Maging alerto sa mga kahina-hinalang Chinese
DAHIL sa masangsang na amoy, nabisto ang hi-tech na shabu lab sa Sitio Biga, Bgy. Calumpang, San Miguel Bulacan. Ito ang naggiya sa mga operatiba ng Philippine Drugs Enforcement Agency para matuklasan ang laboratoryo sa isang bahay na may mataas na pader at makapal na bakal sa apat na hektaryang lupain. Kaya ko ito tinalakay sa dahilang hindi ito nabigyan nang malaking publisidad sa mga diyaryo at radio/television dahil nasapawan nang malaking kalamidad. Sino ang mag-aakalang may laboratoryo ng shabu sa naturang lugar. Napakalayo nito sa kabayanan. Lubak-lubak ang kalsada na napapaligiran ng talahib. Hirap na hirap ang aming sasakyan habang papasok sa lugar.
Hanggang sa makita namin sa daan ang mga sundalong naka-full battle gear sa ilalim ng Command ni Brig. Gen. Noel Coballes ng First Scout Ranger Regiment. Nang makapasok kami sa bakuran, ginagawa pala ang bahay dahil nakakalat pa ang constructions materials. Naka-install ang isang sattelite disk at may camera rin sa bawat kanto ng bahay.
Dahil interesado akong malaman ang hi-tech laboratory, kinausap ko si Maj. Ferdinand Marcelino, hepe ng Special Enforcement Service ng PDEA. Nalaman kong bago makapasok sa laboratoryo, kailangang itulak ang basin ng comfort room para mabuksan ang pintuan ng hagdan pababa sa tunnel.
Hindi na ako nagpumilit pumasok dahil hindi ko kaya ang amoy nang naaagnas ng bangkay ng dalawang Chinese national. Sa video footage na ipinakita sa akin, isang bangkay na nakatihaya sa mismong daan ng tunnel at ang mga chemical. Ayon pa kay Marcelino, humigit-kumulang 50 metro ang lawak ng laboratoryo sa ilalim at kayang gumawa ng daang kilo ng shabu sa isang araw. Kung nagkataon, milyong Pinoy ang masisira ang kinabukasan.
Kaya ko ito tinatalakay ay upang ipanawagan na rin na maging alerto tayo at mapagmasid sa ating kapaligiran para mapigilan na ang paglapastangan ng mga dayuhang Intsik sa ating bansa. Kung may nakikitang hindi kanais-nais na mga galaw ng mga dayuhan sa inyong lugar, isumbong agad sa kapulisan o PDEA. May hinala akong marami pa sa mga kanayunan ang may ganitong uri ng laboratoryo dahil bistado na ang kanilang galaw sa kabayanan at kalunsuran. Magtulungan tayo upang ganap na malansag ang mapamuksang droga sa bansa. Palakpakan natin si PDEA Director Dionisio Santiago at Maj. Marcelino.
- Latest
- Trending