'Ang babaeng nabali ang tadyang'
“Walang may gusto niyan aksidente kasi eh!”
Mga salitang madalas nating marinig subalit kung susuriin may mga aksidente na maaring maiwasan dahil malinaw ito’y sanhi ng kapabayaan.
Pumunta sa aming tanggapan si Lolita Balonzo upang humingi ng tulong tungkol sa nangyari sa kanyang bunsong anak na si Aiza Balonzo, 22 taong gulang.
Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Aiza dahil hindi kayang sustentuhan ng kanyang pamilya na pag-aralin siya dahil anim silang magkapatid. Bunso si Aiza sa kanilang pamilya kaya’t madalas siyang utusan ng lima pa niyang kapatid, Ayos lang naman sa kanya dahil isang mabait at masunuring bata ito.
Naipasok siya bilang isang ‘checker’ sa Khulit’s Food and Snacks ni Rowena na kanyang ninang.
Ika-26 ng Hunyo, 2009 bandang 10:30 ng gabi bumili si Aiza ng ‘candy’ pang alis umay sa kanilang hapunan.
Nakatambay sa tindahan ang kapit-bahay nilang si Ryan Durado, kasama ang iba pa nilang kaibigan nang masaksihan nila ang nangyari kay Aiza.
“Napatigil ang aming usapan. Nakarinig kami ng malakas na paghampas! Kitang-kita namin kung paano nasapul si Aiza nang humaharurot na motor”, kwento ni Ryan.
Ayon sa mga saksi may nagkakarerang dalawang motor ng mag ‘overtake’ ang isa at nawalan ito ng kontrol.
Tumakbo si Alwin kapatid ni Aiza papunta sa kanya matapos mabalitaan ang nangyari. Naabutan niyang nakahandusay ito sa gitna ng kalsada. Walang malay, may mga sugat sa kaliwang braso at puro dugo ang kanang binti.
“Niyakap ko siya, akala ko’y wala na siyang buhay,hindi ko alam ang gagawin ko, puro gasgas ang mukha at likuran niya.” kwento Alwin.
Nasira ang motor na nasa gilid ng kalsada habang ang drayber nito ay mabilis na tumakas. Nakilala ang drayber na si Alex Contreras ng Barangay Malibong Pandi, Bulacan.
Kaagad na isinakay ni Alwin si Aiza sa ‘jeep’ at dinala sa Ospital ng Pandi.
Pagdating sa Ospital ng Pandi, inilipat kaagad si Aiza sa General Hospital ng Sta. Maria Bulacan dahil sa matinding kondisyon nito.
Nilinis ang mga sugat ni Aiza, pina ‘x-ray’ ang kaliwang braso, at paa. Napag-alaman na bali ang kanyang kanang binti at kaliwang balakang.
Ika-27 ng Hunyo, 2009 nahuli si Alex. Dumating ang pamilya niya sa presinto ng Pandi at nakipagharap sa pamilya Balonzo.
Kinahapunan, ibinalita nila sa kanilang mga magulang sa Albay ang nangyari. Makalipas ang dalawang araw dumalaw ang ina ni Aiza na si Lolita.
“Awang awa ako sa anak ko, ni hindi ko mahawakan o mayakap dahil sa tindi ng sakit ng baling balakang nito dahil sa lakas ng pagkakabundol sa kanya!” mariing sabi ni Lolita.
Nagsampa ng kasong reckless imprudence resulting to serious physical injuries ang pamilya Balonzo laban kayAlex.
Pilit nakipag-areglo ang pamilya ni Alex, nag-abot ito ng P3000 kasama ang pangakong sasagutin nila ang kabuuang gastos sa ospital.
Inurong nila Lolita ang kanilang reklamo.
Nabalewala ang napagkasunduang pagsagot sa gastos ni Aiza sa ospital, isang linggo na ang nakaraan ngunit wala pa silang nakukuhang tulong.
“Inuna pa nila ang pag-aasikaso ng nakumpiskang motor sa presinto. Hindi kami pumayag kasi ebidensiya namin ‘yun laban kay Alex, dahilan naman nila ibibenta nila ‘yun para pambayad sa gastusin sa ospital.” paglalahad ni Alwin.
Hulyo 8, 2009 pumunta sa presinto si Lorena, kapatid ni Aiza upang pigilan ang pagbawi ng motor ni Alex. Pinagpipilitan naman itong ilabas ng mga kamag-anak nito.
Nakipag-usap ang Barangay Tanod kina Alwin at sa biyanan nito na si Carmen Rado para makipag-areglo ang pamilya ni Alex. Nagmatigas si Lolita, hindi siya pumayag.
Humingi ng tulong si Lorena sa Barangay Captain upang ipatawag si Alex ngunit hindi na ito makontak, kaya naman tuluyan na nilang isinampa ang kanilang reklamo sa Prosecutor’s Office ng Malolos, Bulacan.
Umatras si Ryan, isang testigo sa hearing dahil sa takot.
“Matinding sakit ang nararanasan ni Aiza… hirap siyang gumalaw, namamaga ang balakang niya, madalas niyang iniinda ang sakit. Miserable ang buhay niya wala siyang magawa kundi ang umiyak!” pagsasalarawan ni Lolita.
Kailangang operahan ang kaliwang balakang ni Aiza upang palitan ng bakal ang mga baling buto nito, ang malala pa natuklasan nila mula sa resulta ng ‘CT Scan’ na may tinamo itong ‘fracture’ sa ulo.
Tinampok namin ang nangyari kay Aiza sa aming programang “Hustisya Para Sa Lahat” sa DWIZ 882khz, pinayuhan namin ang pamilya Balonzo na pumunta sa Office of the Clerk of Court upang alamin kung na i-forward na sa taga-usig at kung sinong humahawak ng kanilang kaso. Binigyan namin ng ‘referral letter’ si Lolita kay Gov. Joselito “Jon Jon” Mendoza upang matulungan ang kanyang kababayan.
SA GANANG AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa isang usapin kung saan may ‘criminal aspect’ ang mga pangyayari kinakailangan magsampa muna ng kaso, upang masiguro na ang nadehado ay babalewalain kung ang katunggaling partido ay tatanggapin naman ang responsibilidad dulot ng kanyang pagkakapinsala sa biktima. Maari namang gumawa ng ‘affidavit of desistance’ para maayos na ang lahat.
Mga mambabasa ng pitak na ito, mag-ingat kayo sa mga tinatawag na ‘ambulance chasers’ ito ang mga tao kung minsa’y abugado pa na naka-istambay sa ospital. May mga impormante sila na magtitimbre sa mga kasong aksidente o anumang ‘medico legal cases’ na papasok at kinukubli ang kanilang motibo na gusto nilang makatulong.
“Abugado ako sasampahan natin ng kaso yan, tutulungan kitang magsampa… abugado ako tutulungan kitang makuha ang hustisya,” ito ang madalas nilang isinasambit na ang kanilang layon lamang ay kumita sa trahedya ng iba.
Maaring kasuhan si Alex ng isang Criminal Case, na reckless imprudence resulting to serious physical injuries na may kalakip na civil liabilities para sa pinsalang tinamo nitong si Aiza.
Ang tigas naman ng panga mo, nagkakarera kayo sa kalye at dahil sa kagaguhan ninyo isang batang babae ang nabalda at inagaw mo na ang kanyang kinabukasan. Nasisiguro kong lalabas ang warrant of arrest laban sa’yo. Makakaladkad ka rin sa korte at makakarma sa mga ginawa mo.
(KINALAP NI ARLENE LAZARO)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: [email protected]
- Latest
- Trending