Ano ang timbang ng isang dasal?
NAKAYUKONG pumasok si Aling Luisa sa grocery store. Nilapitan ang may-ari at sa pinaka-mapagkumbabang tono nagtanong kung maari siya umutang muli ng ilang bilihin. Pinaliwanag niyang may sakit ang asawa kaya hindi makapagtrabaho, at may pitong paslit silang dapat pakainin.
Tinalikuran siya ni Mang Tony, na matigas na nagsabing “Heto ka na naman.” Pinagdiinan niyang hindi pa nakababayad si Aling Luisa sa utang noong nakaraang buwan. “Alam mo naman ang patakaran,” aniya, “bayad muna bago bigyan ng bagong groceries.” Nakiusap muli si Aling Luisa. Pero ang sagot ni Mang Tony ay paalisin siya sa tindahan.
Naulinigan ng customer na si Kuya Ramon ang palitan. Lumapit siya sa grocer sa counter at nagsabing, “Mang Tony, ako na ang tutustos sa mga kailangang bilhin ng ale.”
Tinitigan ng grocer si Kuya Ramon, at bumaling kay Aling Luisa. “May listahan ka man lang ba ng bibilhin, para hindi ako maantala?” matigas pa rin ang tinig ni Mang Tony. Nang tumango ang babae, nanuya ang grocer: “Sige ipatong mo ang listahan sa timbangan, at ano man ang bigat niyan ay tutumbasan ko ng groceries.”
Dinukot ni Aling Luisa ang papel sa handbag, mabilis sinulatan at nakayukong ipinatong ito sa timbangan. Laking gulat ng grocer at customer nang sumagad ang timbangan sa bigat ng pirasong papel. Naka-limang kilong isda, isang dosenang itlog, dalawang bote ng gatas, at isang salop na bigas, bago bumalanse ang timbangan sa pinamili at sa papel. “Hindi ako makapaniwala,” anang namamanghang Mang Tony.
Umalis si Aling Luisa bitbit ang dalawang bayong ng pagkain. Dinampot ni Kuya Ramon ang papel habang inaabot kay Mang Tony ang P500. Hindi listahan ng bilihin ang nakasulat kundi: “Mahal na Panginoon, batid Mo ang aking pangangailangan, at ipapaubaya ko na ito sa Iyo.” Pinabasa ni Kuya Ramon kay Mang Tony ang papel, at nagsabi: “Sulit na sulit.
Diyos lang ang nakakaa lam ng timbang ng dasal.”
- Latest
- Trending