Ombudsman, bantay ng mga Arroyo
WALA nang mas masama pa kapag ang isang nakatakdang ipairal ang batas ang nagiging hadlang pa sa pagpapatupad nito. Mga halimbawa ay mga pulis na nasasangkot na rin sa krimen, mga huwes at abogado na nasusuhulan. Kasama na rito ang Ombudsman na hindi sinusulong ang mga kasong may malalakas na dahilang ilitis, dahil madadawit ang ilang miyembro ng Cabinet ni President Arroyo.
Noong nilagay sa puwesto si Merceditas Guttierez, nagkaroon ng pag-asa ang lahat na sa wakas, ay gagalaw na ang mga kaso laban sa katiwalian na nakabinbin lang, dahil may mga malalakas na taong dawit. Hindi raw siya maaawa sa mga iyan, ayon pa sa unang talumpati ni Guttierez nang magsimulang manungkulan na sa Office of the Ombudsman. Pero ang totoong nangyari, walang kasong umusad kung saan sangkot ang mga tauhan ni GMA. Ang mga gumalaw na kaso ay mga maliliit at mga di kilalang mga mamamayan.
Kaya patuloy ang pagpapatalsik kay Guttierez, sa lakas ng reklamo mula sa mga dating miyembro ng Cabinet ni GMA. Dinidinig ang kaso sa Kongreso, na magdedesisyon kung kailangang kasuhan si Guttierez. Tatlong klaseng kaso pala ang dapat binibigyan ng prayoridad ng Ombudsman. Mga kasong laban sa matataas na opisyal ng gobyerno, mga kaso kung saan grabe at masalimuot ang mga krimeng naganap, at mga kaso kung saan malaking halaga ng pera o pag-aari ang pinag-uusapan.
Isa na rito ang kaso ng Euro Generals, na hanggang ngayon ay wala pang nangyayari! Ang kaso ng Mega Pacific at Comelec, kung saan bilyon ang nalugi sa gobyerno! Wala siyang ginawa ukol sa fertilizer scam, na sa ngayo’y namemeligro nang mabaon sa limot. Pati na ang anomalya sa mga proyekto ng World Bank, kung saan may mali maliwanag na kontsabahan sa pagitan ng gobyerno at mga kontraktor para makuha ang proyekro. Puro mga malalaki at sikat na kaso, na sangkot ang ilang opisyal ng administrasyong Arroyo.
Maliwanag kung bakit nirekomenda ng First Gentleman ang kanyang dating kaklase sa posisyon ng Ombudsman. At ito ay para siguraduhing walang makakalusot na kaso laban sa mga Arroyo at ang kanyang administrasyon. Pero dahil Kongreso ang nag-iimbestiga sa Ombudsman ngayon, may mararating ba wala ulit ang kasong ito, o sa Batasan pa lang, na balwarte ni President Arroyo, ay mababasura na ang pagtanggal kay Guttierez! Dapat purgahin na rin ang Kongreso ng mga kaibigan ng Palasyo, at wala nang nangyari sa ating bansa kundi pagpapalaganap ng rehimen ng mga Arroyo!
- Latest
- Trending