Tiwala sa doktor, hindi sa pastor
PAKONTI nang pakonti ang nagpapastor. Anang Society of Divine Word-Philippines, masuwerte na silang maka-walong bagong pari taun-taon, di tulad noon na mahigit 25 kada batch. Maraming nagmiministro ngayon sa Vietnam, Indonesia at India kaysa Pilipinas; ganunpaman kulang pa rin sa bilis ng paglaki ng populasyon nila. Masaklap pa, dahil mas materyalistiko ang mundo, nag-iiba rin ang trato ng madla sa mga ministro. Halimbawa itong mula sa Internet na pagkumpara sa pagtingin sa doktor at sa pastor:
l Kapag pinaghubad ka ng doktor, sumusunod kang walang angal. Kapag nagpayo ang pastor na maging disente sa pananamit, umaangal kang nagiging masyado siyang personal.
l Mahal ang singil ng doktor, pero balik ka nang balik sa kanya. Kapag humingi ng dagdag na abuloy ang pari, lumalayas ka sa simbahan.
l Kapag tinanong ka ng doktor kung gaano kalimit dumumi, malaya ninyo ito pinag-uusapan. Kapag tinanong ka ng ministro kung gaano kalimit magdasal, gusto mong sabihang wala siyang pakialam.
l Kapag niresetahan ka ng doktor ng mapaklang gamot, masunurin mong iniinom. Kapag pinatitikim sa iyo ng pastor ang Salita (ng Diyos), ayaw mong makinig.
l Pinagsasabihan ka ng doktor na baguhin ang pamumuhay para bumaba ang blood pressure mo. Kapag magpayo ang pastor na magbagumbuhay ka na, naaalta-presyon ka.
l Kapag inutos ng doktor ang maraming lab tests, ginagawa mo agad. Kapag pinayo ng pastor na limitan ang prayer meetings at pag-aaral ng Bibliya, masyado kang maraming ginagawa.
Kapag nagsabi ang doktor na wala ka nang pag-asa, kung saan-saan ka pa naghahanap ng lunas. Kapag sinabi ng pastor na “Tutulungan ka ng Diyos,” sinasagot mo na wala ka nang pag-asa.
* * *
Lumiham sa [email protected]
- Latest
- Trending