EDITORYAL - Pagmamaneho nang lasing
SABI ng PNP-Highway Patrol Group (HPG), ang pagda-drive nang lasing at pagti-text ang dahilan kaya maraming naaaksidente. Sa ipinalabas na talaan ng HPG, umaabot sa 9,000 aksidente ang naganap noong Enero, Pebrero at Marso 2009. Ngayon ay Agosto at ibig lamang sabihin, lampas na sa 9,000 ang naganap na aksidente. Tiyak na bago matapos ang 2009 marami pang malagim na aksidente ang magaganap na ang mga pasahero at motorista ang labis na apektado. Sila ang nasa panganib dahil wala nang disiplina sa kasalukuyan ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan. Sila ang laging sangkot sa malalagim na aksidente.
Hindi lamang sa mga kalsada sa Metro Manila nagkakaroon nang malalagim na aksidente kundi pati rin sa probinsiya. Noong Linggo ng madaling araw, dalawang bus ang nagbanggaan sa Lucena City, Quezon at siyam ang namatay. Patungong Maynila ang Bragais Bus Lines nang makabanggaan ang Lucena Bus. Sa lakas ng pagbangga ay nawasak ang parehong dingding ng mga bus.
Hindi pa humuhupa ang lagim ng aksidente sa Quezon, isang pampasaherong dyipni ang nag-dive sa isang bangin sa Itogon, Benguet at apat ang namatay. Ayon sa report, madulas daw ang kalsada at hindi nakita ng drayber ang daan dahil foggy.
Sa EDSA ay karaniwan na lamang ang nagaganap na aksidente. Karaniwang sangkot ay mga bus na nagkakarera para makakuha ng pasahero. Kama kailan, isang mag-ina ang nasagasaan habang naghihintay sa bus stop sa EDSA. Namatay ang bata at naputulan ng braso ang ina. Noong nakaraang taon, isang Chedeng ang binangga ng isang rumaragasang bus sa EDSA at saka nasunog. Patay ang drayber ng Chedeng na isang doctor.
Sa aming palagay, ang pagkalasing ng drayber ang dahilan kaya naaaksidente. Hindi kami naniniwala na dahil sa pakikipagtext kaya naaaksidente.
Kung ang pagkalasing ang dahilan kaya naaaksidente, dapat patawan nang mabigat na parusa o bawian ng lisensiya ang mahuhuling lasing. Sila ang naghuhulog sa hukay ng mga kawawang pasahero o motorista. Maghigpit ang pulisya sa mga nagmamaneho nang lasing.
- Latest
- Trending