Hindi kaya ang BITAG! Biktima ang pinuntirya.
TINITIYAK ng BITAG sa sinuman, bago namin kayo “trabahuin”, ipinagkakaloob namin ang inyong karapatan na makuha ang inyong panig. Subalit may mga kolokoy na madudunong, ‘yun nga lang “nakatuwad” ang mga kukote. Hindi kaya ang BITAG kaya ang pinupuntirya ay ‘yung biktimang nagsumbong na lumapit sa amin.
Isa na rito etong “nginig-bombilyas” na si G. Ernesto Bernabeo III, guro ng Tanay National High School na sinumbong sa amin ng kanyang biktima dahil sa pagpapakalat ng sex photos sa internet. Eto ‘yung kasong bumungad nitong buwan ng Enero taong kasalukuyan. Naipalabas ito sa BITAG sa IBC at UNTV at pinakita namin ang estilo ng aming trabaho base sa sumbong ng biktimang itinago namin sa pangalang Mel.
Ikinalat daw nitong guro na si Ernesto Bernabeo III na dati niyang kasintahan nung siya’y disisais anyos pa lamang ang kanilang mga sex photos. Naglabasan ang mga nasabing sex photos sa friendster ng biktima na kuha raw lahat sa cellphone ni Ernesto Bernabeo III, ayon sa humahagulgol na si Mel. Agad binisita ng BITAG ang eskuwelahang pinagtuturuan ni Bernabeo. Subalit nang matunugan niya na nandoon na kami, umeskapo ito at nag-ober da bakod, makaiwas lang sa BITAG.
Nitong nakaraang buwan, nagsampa ng kasong libel si Bernabeo laban sa kanyang biktima matapos maipalabas sa BITAG.
Bagamat nasa Daly City, California U.S.A ang isang team ng BITAG, sinisiguro lang naming hindi madedehado ang biktimang si Mel. Layunin naming itabla ang laban nito sa inirereklamong gustong makipagsubukan.
Kaya, ang aking mensahe para kay Bernabeo, “magpakalalaki ka! ‘Wag kang babakla-bakla! Harapin mo ako, si Ben Tulfo, si BITAG! Ako ang sampahan mo ng libel, isama mo ako sa kaso!”
“Magpakita ka sa akin kolokoy, humarap ka sa aming camera kung gusto mong marinig ang iyong panig na sa umpisa pa lang ay ipinagkaloob na namin sa’yo na iyong tinang- gihan. Kundi ka ba naman gunggong!”
“Huwag mong pagdiskitahan ang biktima mong si Mel. Bakit hindi mo na lang i-package deal at isama ang BITAG para matigil ‘yang kal- baryo mo. Aber sige nga!”
Ngayon pa lang, umpisa ng sisikat ka to the max dahil BITAG na ang iyong makakalaban at mga abogadong nasa hanay namin. Tigilan mo na ang katarantaduhan mo.
Huwag kang magkakamaling gamitin ang hukuman sa maruming laro. Kaya rin naming laruin ‘to. Tukoy na ng BITAG ang mga matitinong piskal diyan sa Tanay, maging ang mga matitinong huwes.
Madali para sa BITAG ang matukoy kung sinu-sino rin ang mga piskal na aastang balasubas. Sige, go ahead, inaantabayanan namin ang iyong susunod na hakbang.
- Latest
- Trending