Magkasalungat na opisyal na pahayag
MAGKASALUNGAT ang mga opisyal na reaksiyon sa sunud-sunod na pagbobomba sa Mindanao at Metro Manila. Para pakalmahin ang publiko, hindi basta nagbintang lang kung kani-kanino ang mga heneral sa Timog. Pero ‘yung mga taga-capital ay nagturo agad sa mga kadalasang suspects, nag-red alert, at nag-anunsiyo ng mga malamang na susunod na target.
Walo ang pinatay at mahigit 50 ang sinugatan ng bombahan sa Cotabato, Iligan, Jolo, Datu Piang at Kauswagan. Mga simbahan at purok na Kristiyano ang ina-take, at sinuspindi ng UN Food Program ang pakain sa Muslim evacuees sa Maguindanao at Lanao. Agad pinagbintangan ng mga panatiko ang tatlong Islamist extremists: Moro Islamic Liberation Front, Abu Sayyaf, at Jemaah Islamiyah. Pero dahil kabadong sa pagsiklab ng sentimiyentong kontra-Muslim, nilinaw ni Chief Supt. Bensali Jarabani na patuloy pa ang pagsisiyasat. “Tumatrabaho pa ang mga imbestigador,” anang hepe ng pulis sa Mindanao Autonomous Region. “Mahirap ang basta magturo kami kung kani-kanino.” Dagdag naman ni Marines commandant Maj. Gen. Ben Dolorfino: “Maaga pa para mag-konklusyon.”
Nauna rito sumabog pero walang nasaktan sa bomba sa head office ng Ombudsman sa Quezon City. Nakatiklo rin ng mga paputok sa Dept. of Agriculture at condo ng Unang Pamilya di kalayuan. Pinahiwatig ng pulis na pakana lahat ito ni opposition Sen. Panfilo Lacson. Nakalipas ang ilang araw nagsabugan sa Mindanao. Nag-red alert ang militar sa Metro Manila. Ani Maj. Gen. Jogy Leo Fojas, hepe ng AFP sa rehiyon, namataan sa purok niya ang bomb experts mula sa tatlong grupong Islamist. Posibleng target umano ang mga kampo militar at Kongreso. Sabat naman ni Metro Manila police Chief Supt. Roberto Rosales na tiyak bobombahin ng mga terorista ang mga protesta sa State of the Nation ni Gloria Arroyo sa Hulyo 27. Ito’y matapos mag-anunsiyo ang mga militante na magmomobilisa sila nang pinakamalaki sa lahat ng demonstrasyon kontra SONA. Halatang nananakot si Rosales na manatili na lang sa bahay ang mga mamamayan. Sinutsutan sila tuloy ng defense secretary na, “tigil daldal, trabaho kayo!”
- Latest
- Trending