Isyung S.A.S. (Sawsaw, Angkas, Sakay)
LUMIKHA ng ingay ang sex video ng aktres na si Katrina Halili at Dr. Hayden Kho nang kumalat ito sa internet.
Mapa-lalaki, babae, bakla o tomboy, bata, matanda, mahirap o mayaman, interesadong makita at mapanood ang kontrobersiyal na sex video ng dalawa.
Matatandaang dalawang taon na ang nakararaan nang simulan ng BITAG ang krusada laban sa tumataas na bilang ng mga biktima ng internet blackmail at sex scandals.
Subalit dahil sa walang batas na magpaparusa sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga personal na video, nananatiling tahimik ang mga biktimang kababaihan sa likod nito.
Kaya naman naging inspirasyon ito at nakatawag ng pansin ni Congressman Irwin Tieng upang magsusog ng isang batas laban sa krimeng ito, ang Cyber Boso Bill.
Sa kasalukuyan, hindi pa matatawag na batas ito dahil sa Kongreso pa lamang ito pumapasa. Mukhang hindi pa rin yata nabibigyan ng kaukulang pansin ito ng ating mga senador kaya’t hindi pa dinidinig sa Senado.
Subalit nang lumabas ang sex video ng dalawang sikat na tao na ito, kataka-takang nabuhay ang dugo ng mga mambubutas este mambabatas sa Kongreso, Senado at maging ang Malacañang, nanghimasok na.
Lahat sumawsaw, umangkas at sumakay na sa kontrobersiya. Naggagaling-galingan kung ano ang dapat iparusa sa bastos na doktor sa kanyang ginawang pag-dodokumento ng malaswang video at nai-post sa internet.
Ano nga ba ang kanilang ikakaso? Aba’y sabi nung isa, pornography daw, yung isa naman, wiretapping.
Ginigising na kayo ng BITAG! Nasa inyong bakuran lamang at natutulog sa inyong mga lamesa ang proposal bill ni Congressman Tieng.
Subukan niyong buklat-buklatin at basahin ang nilalaman baka sakaling matauhan kayo at pagdesisyunang ipasa na ang batas na ito, ang Cyber Boso Bill.
Sabi nga ng isang da-ting programa sa telebisyon, HOY GISING!
- Latest
- Trending