Mas mag-ingat sa dengue kaysa AH1N1
HABANG ang buong mundo ay nangangamba sa A H1N1 na virus, may isang sakit na mas laganap at mas mapinsala pa sa bansa natin — ang dengue. Ngayong tag-ulan na, dumadami na naman ang naaapektuhan ng sakit na ito. Sa Cebu nga ay walo na ang namamatay. Naglabas na rin ng babala ang DOH ukol sa dengue. Mga pahayag ukol sa tubig sa mga balde, lata, gulong, pati na ang tansan kung saan pwedeng mangitlog ang lamok na Aedes Aegypti.
Ito ang lamok na nagkakalat ng dengue, sa pamamagitan ng pagkagat nito sa tao. Sa umaga nangangagat ang lamok na ito, kaya ang kadalasang nabibiktima ay mga batang nasa mga paaralan. Hinihikayat ko na ang mga paaralan na gumawa na ng mga hakbang para mabawasan ang populasyon na lamok sa paligid nila. At siguro payagan na lahat ng bata na magsuot ng mahabang pantalon.
Ang mahirap pa sa dengue ay walang bakuna para rito. Masyadong maraming uri kasi ang dengue. Makagawa ka nga ng isang bakuna, balewala ito kung ang kumagat na lamok sa iyo ay ibang uri ang dalang dengue. Kaya pag-iingat ang panlaban sa dengue. At kung sakali namang makagat ng lamok at magkalagnat, pumunta kaagad sa ospital nang maagapan. Walang gamot sa dengue kaya kailangang maalagaan sa ospital ang mga biktima nito. Hindi siya magiging mapinsala kung maaagapan ang mga sintomas. Kaya may mga namamatay ay dahil nadadala o naaalagaan na lang sa ospital kapag naglabasan na ang mga matitinding sintomas tulad ng pagdudugo sa ilang bahagi ng katawan, na nagreresulta sa pagbigay ng puso.
Iba rin talaga ang lamok. Sa mga pagsusuri nga ng WHO, ito ang numero unong pumapatay sa mundo. Mas matindi pa sa kahit anong giyera at kalamidad. Lamok, na nagdadala ng dengue at malaria. Mga pamatay na sakit. Mabuti na lang at may gamot ang malaria. Maraming namatay na sundalo dahil dito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil hindi pa masyadong mabisa at mahirap pa mabili ang gamot. Kaya huwag mamaliitin ang lamok. Kung may pagkakataong mabawasan ang mga ito sa paligid ninyo, gawin na kaagad.
- Latest
- Trending