EDITORYAL - Samsamin, mga nagkalat na di-lisensiyadong baril
TUMATAAS ang bilang ng krimen sa bansa. May nangyayaring holdapan, kidnapan at iba pang masasamang aktibidad. Kahit na nagsasagawa nang mahigpit na pagbabantay ang mga awtoridad, marami pa ring nangyayaring krimen. Ang nagkalat na mga hindi lisensiyadong baril ang maituturong dahilan kaya hindi mapigil ang paglaganap ng krimen sa bansa.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) ang Pilipinas ay ika-10 sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming baril na hindi lisensiyado. Hawak ito ng mga sibilyan at mga rebelde. Sa isang gun control conference na idinaos sa Manila, sinabi ni PNP chief Director Gen. Jesus Verzosa na pinagbasehan niya ang report ng World Health Organization (WHO) at ang United Nations Office on Drugs and Crime.
Nakapagdudulot ng pangamba ang ulat na ito ng PNP lalo pa’t nalalapit na ang 2010 elections. Baril ang ginagamit ng mga pulitiko para patahimikin ang mga kalaban sa pulitika. Tiyak na may mga pulitikong magbubuo ng sariling army para matiyak na mananalo sa election. Hindi lamang pera ang kanilang paaalagwahin kundi pati na rin ang kanilang mga badigard na may mga baril.
Tataas din tiyak ang bilang ng holdapan dahil sa pagkalat ng baril. Maaaring magkasunud-sunod ang holdapan sa mga banko habang papalapit ang election. Gagamitin ang pera sa kampanya. Ang ganitong senaryo ay posibleng mangyari dahil nga sa paglaganap ng mga hindi lisensiyadong baril. Bukod sa paglaganap ng krimen, gagamitin din ang baril sa pananakot sa mga botante sa panahon ng eleksiyon. Ang ganito ay karaniwan nang nagaganap sa mga liblib na lugar sa probinsiya.
Dapat nang magsagawa ng puspusang hakbang ang PNP para masakote ang mga di-lisensiyadong baril. Magkaroon pa ng mga checkpoint para walang makalusot sa mga kriminal. Buwagin hanggang maaga ang private armies ng mga pulitiko. Samsamin ang mga illegal na baril para masiguro ang katiwasayan sa bansa lalo na ang papalapit na election. Kung masasamsam ang mga illegal na baril, mababawasan na ang pagkalagas ng buhay.
- Latest
- Trending