Arroyo balak daw manatili sa poder
KASABIHAN sa ancient China: Ang taong sumakay sa tigre ay takot nang bumaba. Angkop ito kay Gloria Macapagal Arroyo. Sumakay siya sa tigre nang dayain ang 2004 presidential election; nang ipakana ang sunod-sunod na katiwalian sa Northrail, Southrail, NBN-ZTE deal, Diwalwal-ZTE deal, fertilizer scam, swine scam, NIA scam, World Bank roadwork overpricing; at nang ipapatay sa mahigit 800 militante. Ngayon pa lang binabalak nang ipagharap siya ng kasong plunder at mass murder, kapwa walang bail. Isasangkot sa mga kaso ang mga kamag-anak, cronies at galamay. Para makaiwas sa kaso, binabalak nina Arroyo, pamilya at alipores sa pulitika na manatili sa puwesto.
Tanging pagpapalawig sa puwesto ang option ni Arroyo. Bakit? Kasi, walang mangyayari kung sumuporta siya sa isang “presidentiable” na mangangakong hindi siya tutugisin. Mapapailalim ang susunod na Presidente sa matinding pressure na ipatupad ang hustisya sa labis na katiwalian at patayan sa ilalim ni Arroyo. Hindi nito matatanggihan ang hinaing ng bayan. Para makatakas sa kasong plunder, maaring magtago si Arroyo sa ibang bansa kung saan walang extradition treaty ang Pilipinas. Pero kung ang kaso ay mass murder, United Nations mismo ang tutugis sa kanya, saan mang bansa, kaya wala siyang pagtataguan. Dadakipin siyang parang daga sa lungga, ala Saddam Hussein. Gan’un ang nangyari kay dating presidente Alberto Fujimori ng Peru. Nu’ng corruption lang ang kaso niya, nakakalipad siya sa iba’t ibang bansa habang naghahandang bumalik sa puwesto. Pero nang isakdal siya sa kasong death squads, ipinadampot siya ng Korte Suprema ng Chile, at ibinalik sa Peru para humarap sa kaso. Bagamat natagalan, nagsimula na sa wakas ang paglilitis sa war criminal sa Bosnia-Serbia, Cambodia, at Africa.
Halatang pagpapalawig sa puwesto ang balak ni Arroyo. Itinatago na sa mga piling crony companies ang lihim na yaman. Pumupusisyon na sa energy at telecoms sectors. Isinusulong ang paspasang parliamentary shift para maging Prime Minister ng bagong anyo ng gobyerno.
- Latest
- Trending