EDITORYAL - Sayang ang paghihirap kay 'Nicole'
HABANG marami ang nagra-rally para kay “Nicole” meron naman palang “naglalaro” sa isipan ng Pinay na “ginahasa” ng Amerikanong si Lance Corporal Daniel Smith. Babawiin lang pala niya ang mga testimonya sa korte at sinabing nakokonsensiya siya. Sa apidabit na pinirmahan ni “Nicole” sinabi niyang hindi siya sigurado kung talaga bang ginahasa ni Smith. Sa kasalukuyan, nasa Unites States na si “Nicole” at tinanggap ang P100,000 para sa moral and exemplary damages mula kay Smith.
Ang “panggagahasa” kay “Nicole” noong November 1, 2006 ay kumuha ng atensiyon sa maraming sector ng lipunan lalo na ang sa kababaihan. Marami ang nagpakita ng simpatya, pagkaawa, suporta at kung anu-ano pa. Naging mainit ang mga debate sa RP-US Visiting Forces Agreement. Maraming nagsuhestiyon na ibasura na ang VFA. Wakasan na ang war exercises na ginagawa rito sapagkat nanganganib ang mamamayan sa mga sundalong Kano. Kapag nakagawa ng kasalanan ang sundalong Kano, hindi maaaring ikulong sa pambansang piitan kundi mananatili sa pangangalaga ng US Embas-sy. Sabi ng mga rallysts, anong klaseng agreement ito na ang mga Pinoy ay agrabyado.
Sa pagbawi ni “Nicole” sa kanyang mga isinalaysay, nasayang lang ang mga paghihirap. Nasayang ang hirap ng mga taong tumulong sa kanya makaraang ihulog na parang baboy sa van sa loob ng Subic. Ayon sa mga nakasaksi, hubad si “Nicole” at tulala nang matagpuan. Nakita rin umano ang condom sa ari nito. Dinala siya sa ospital. Mula noon, hindi na hiniwalayan ng media si “Nicole”. Ang Amerikanong sundalo ay nahuli pero napawalang-sala ang ilan sa kanila at si Smith lamang ang itinuro ni “Nicole” na umabuso raw sa kanya. Nahatulan si Smith ng habambuhay na pagkabilanggo.
Ilang buwan na ang nakararaan, sinabi ng Supreme Court na nararapat na makulong sa National Bilibid Prisons (NBP) si Smith. Subalit hindi rin nagkaroon ng katuparan sapagkat nanatili pa rin sa poder ng US Embassy. Nagkaroon ng mga rally sa may US Embassy. Nagkahabulan ang mga pulis at rallysts. Nagkapukpukan. May nasu gatan. Pero para sa mga rallysts iyon ang dapat para mabigyan ng katarungan si “Nicole”. Kasabay ng pagpapakita ng simpatya kay “Nicole” hiniling na ibasura na ang VFA.
Habang marami ang nagpapakita ng suporta at ipinakikipaglaban si “Nicole” napakasakit namang isipin na nasa US na pala siya at doon na maninirahan. Ang mga sumusuporta sa kanyang napalo ng pulis ay nagpapa hinog ng bukol at sugat. Ang judge na humatol kay Smith ay maraming panahong ginugol para lamang maisilbi ang katarungan. Iyon pala’y sansaglit lang mababalewala ang mga pinaghirapan.
- Latest
- Trending