EDITORYAL - Ipursigi ng gobyerno paghanap kay Valerio
NAGAWANG bigyan ng clemency ni President Arroyo ang lahat ng mga convicted na sundalo. Nasa laya na ang mga sundalong sangkot sa pagpatay kay dating senador Benigno Aquino at Rolando Galman. At kung nagawa ni Mrs. Arroyo na palayain ang mga sundalo siguro ay magagawa rin naman niyang ipahanap ang witness na si dating Air Force Capt. Felipe Valerio. Si Valerio ay isa sa itinuturing na mabigat na witness sa Ninoy murder dahil siya ang nagbibigay ng instruction sa mga sundalo ng AVSECOM na naatasang magbibigay ng seguridad kay Ninoy. Ayon sa report nasa Seattle, Washington si Valerio at doon nagtatago. May nagsasabing piloto umano ng isang commercial airline si Valerio.
Ang ginawang pagpapalaya ni Mrs. Arroyo sa mga sundalong sangkot sa Ninoy murder ay masyadong dinidbib nina Sen. Noynoy Aquino at kapatid nitong si Kris Aquino. Sobra na anila ang ginagawa ni Mrs. Arroyo. Umaabuso na raw ito sa pagbibigay ng patawad. Nagpapakita lamang daw ito ng kawalan ng hustisya sa Arroyo administration. Patuloy daw ang cover-up dahil hanggang ngayon ay hindi matukoy ang “utak” sa pagpatay sa kanyang ama. Masamang-masama ang loob ng dalawa sapagkat parang dinagdagan lamang lalo ang sugat na kanilang nadarama dahil sa pagpatay sa kanilang ama. Napakasakit anila ng ginawa sa kanila. Ang pagbibigay ng clemency sa mga sundalo ay nangyari pa kung kailan may sakit si dating President Cory Aquino.
Masakit tanggapin para sa mga anak ni Ninoy ang nangyari at ito ay tiyak nang lalo pang lilikha nang malaking punit. Wala nang pagkakataong sumilip ang pagkakasundo at magiging mortal nang magkaaway ang dating magkapalagayang loob.
Siguro maibabalik lamang ang dating pagtitingi- nan kung ipupursigi ng Arroyo administration ang paghanap at pagpapabalik kay Valerio dito sa Pilipinas. Sa pamamagitan ni Valerio ay maaaring malantad kung sino ang “utak” sa pagpatay kay Ninoy. Kapag nalaman ito maaaring mapatsehan ang malaking punit ng di-pagkakaunawaan. Hanapin si Valerio.
- Latest
- Trending