EDITORYAL - 'Right of Reply Bill' pagsikil sa pamamahayag
BANTA sa kalayaan ng pamamahayag ang batas na inakda ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. at hindi ito maganda sa bansang kinikilala ang demokrasya. Sa batas ni Pimentel, maaaring mag-reply sa loob ng 24 na oras ang sinumang tao na inaakalang siya ay naagrab yado ng media. Kapag ang reply ng individual ay hindi raw pinagbigyan ng media groups, pagmumultahin ng P50,000.
Ang batas na ito ay puputol sa malayang pamama hayag sapagkat hindi na makagagalaw nang husto ang media sa mga tungkulin niya sa paghahatid ng impormasyon. Lalabas na nakatuntong sa numero ang galaw ng media sapagkat may batas na tila tumatakot sa kanyang mga hakbang. Nasaan ang kalayaan ng pamamahayag dito na nakatadhana at itinataguyod ng Constitution. Sa halip na makapaghatid ng mga mahahalagang impormasyon sa taumbayan, mapipigilan sapagkat may batas na parang “tabak” na nasa ulunan na anumang sandali ay babagsak sa ulo.
Sabi ni Pimentel, iwi-withdraw niya ang kanyang pirma sa panukalang batas kung ang mabibigyan siya ng tama at sapat na dahilan kung bakit siya dapat umu rong dito. Handa raw niyang bawiin ang kanyang mga sinabi ukol dito basta makumbinsi lamang siya ninuman na mali nga ang inakda niyang batas. Isang senador na ang bumawi sa kanyang pirma para pagtibayin ang “Right to Reply Bill” at isa pa ang balak na ring bawiin ang pirma. Ang unang bumawi ng pirma ay si Sen. Francis Escudero at ang nagbabalak mag-withdraw ay si Mar Roxas. Si Sen. Bong Revilla nang interbyuhin sa DZMM Radio ay sinabing pumirma siya para pagtibayin ang bill sapagkat siya raw ay biktima ng media noong siya pa ay governor ng Cavite. Bukod dito, gusto raw niyang matigil na ang pagpatay sa mga miyembro ng media. Si Sen. Loren Legarda na dati ring nasa media, ay pabor sa “Right to Reply Bill”.
Maraming katanungan din ang umuusbong sa batas na ito ni Pimentel na mahirap ihanap ng kasagutan. Halim bawa, paano kung nakapaglabas ng balita ang isang pahayagan ng araw ng Sabado ukol sa isang indibidwal e di ibig sabihin dapat kinabukasan, Linggo e ilathala rin ang reply niya. Dapat daw kasi na 24 oras ay ilagay ang reply para hindi makasuhan ang pahayagan. Gaano naman kasigurado na ang taong nailathala at “naagrabyado” ay madaling makakapag-reply. Paano kung nasa ibang bansa ang “naagrabyado”? Paano kung natapat na holiday ang report ukol sa naagrabyadong indibidwal?
Ang suma, ang “Right of Reply Bill” ay isang batas na papabor sa mga nauupakan ng media. Wala nang iba pa. Pupungusan lamang ng dila ang media para protektahan ang iba.
- Latest
- Trending