10 alituntunin sa modernong buhay
TINAWANAN si Nassim Nicholas Taleb, umakda ng The Black Swan, nang magbabala tungkol sa darating na krisis pinansiyal. Sino ang nagtatawa ngayong niyayanig lahat ng bagyo. Tinukoy ni Taleb sa libro ang pagdatal ng mga di-inaasahang pangyayari na gigimbal sa lahat. Sumulat din siya ng 10 alituntunin para mabuhay nang lubos sa modernong daigdig:
1. Matrabaho’t magastos mag-agam-agam. Mag-agam-agam lang sa mga malalang bagay, pero maging tao na nagkakamali at nagpapakaloko sa mga maliliit at maririkit.
2. Dumalo sa mga salu-salo. Maraming madidiskubreng di-sadya.
3. Tila mali paniwalaan lagi ang mga salita ng tao na naka-kurbata. Kung maari, tuyain ang tao na masyadong mataas ang tingin sa sarili.
4. Taas-noong tumindig sa malalang sitwasyon. Ang tangi mong sandata sa harap ng di-inaasahan ay kung paano ka kumilos. Hindi mo man hawak ang kahihinatnan, hawak mo naman ang iyong pagkilos.
5. Huwag mo nang baguhin ang sinaunang kalakaran. Hindi natin naiintindihan ang puno’t dulo nila. Huwag dumihan ang planeta. Iwanan ito kung paano nakita, ano man ang umano’y bagong kaalaman.
6. Kabisaduhin agad na madapa nang may dignidad. Matuto sa pagkakamali — sa pamamagitan ng pagsuri sa pagkakamali.
7. Iwasan ang talunan. Kapag marinig mo ang salitang “hindi kaya” o “mahirap ’yan”, alisin mo siya sa listahan ng kaibigan. Huwag papayag sa sagot na “hindi”; tanggapin ang pinaka-maraming “oo” at “ka kayanin”.
8. Huwag basahin ang pahayagan para sa balita (kundi para sa tsismis lang, at siyempre tungkol sa mga manunulat). Ang panukat ng kahalagahan ng balita ay kung naririnig mo sa restoran o salo-salo.
9. Sa sipag at tiyaga mo makakamit ang pagka-pantas o ang BMW. Pero kailangan ng suwerte para magka-Nobel prize o magkaroon ng jet.
10. Sagutin muna ang liham ng nakababata kaysa nakatatanda sa iyo. Mas mahaba pa ang mararating ng nakababata, at maaalala nila kung sinaktan mo ang damdamin.
- Latest
- Trending