Service crew na kumain sa oras ng trabaho
SERVICE crew sa isang food chain si Mia mula pa noong Nobyembre 15, 1993. Upang matuto sa trabaho, binigyan siya ng kopya ng manual o handbook ng mga empleyado kung saan nakasaad ang mga patakaran ng kompanya pati sa pagkain. Nakalagay sa patakaran ang lahat ng pinagbabawal ng kompanya tulad ng bawal kumain kapag break time na hindi nagbabayad o walang permiso ng boss, at kahit pa nga kaibigan o pamilya ng empleyado ang mag-alok, basta’t oras ng trabaho ay bawal din. Ang paglabag dito ay matatanggal siya sa trabaho.
Dalawang taon na nagtrabaho sa kompanya si Mia. Tatlumpu’t isang beses siyang pinuri sa trabaho bagaman may ilan din na napuna sa kanya tulad ng pag-absent sa trabaho, pagiging huli paminsan-minsan, at ilang insidente kung saan nagkulang ang pera sa kaha. Minsan, nakita si Mia ng kanyang katrabaho na kumakain sa loob ng kuwarto habang oras ng trabaho. Dahilan ito upang masuspinde siya ng limang araw.
Sumulat si Mia at nagpaliwanang. Kumain lang daw siya ng isang pirasong manok dahil sumasakit na ang kanyang sikmura. Alam daw niya na mali ang kanyang ginawa pero gutom daw siya, at noong araw na iyon lang niya nagawang kumain dahil hindi niya nainom ang kanyang gamot.
Pinagpapaliwanag si Mia ng management kung bakit hindi siya dapat parusahan sa kabila ng pag-amin niya sa paglabag ng patakaran ng kompanya. Tumanggi naman si Mia na lumabag siya sa patakaran. Pagkatapos magkaroon ng imbestigasyon, tinanggal si Mia sa trabaho.
Nagsampa ng kaso sa NLRC si Mia. Matapos magsumite ng kanilang mga argument, nagdesisyon ang labor arbiter pabor kay Mia. Kahit daw nilabag ni Mia ang patakaran ng kompanya, napakarahas daw na parusa ang pagtatanggal pa sa kanya sa trabaho. Sapat na ang ginawang pagsuspinde sa kanya na walang bayad. Dineklarang illegal ang pagtanggal sa kanya sa trabaho at ipinag-utos sa kompanya na ibalik siya sa trabaho at bayaran ang backwages niya. Kung ayaw naman ng kompanya, ay bigyan na lamang siya ng separation pay. Sinang-ayunan ng NLRC ang desisyong ito ng labor arbiter. Kinuwestiyon naman ito ng kompanya. Ipinilit nito na tama lamang ang pagtanggal kay Mia sa trabaho kung pagbabasehan ang marami na niyang atraso sa kompanya. Tama ba ito?
MALI. Ayon sa ating batas (Art. 282[a]Labor Code), pinapayagan ang pagtatanggal ng empleyado kung talagang sinadya ang paglabag sa patakaran ng kompanya. Dalawa ang kondisyon na kailangan, 1) sinadya ng empleyado na gumawa ng mali at 2) legal at makatao ang utos o patakaran na pinatutupad, dapat din na may kinalaman ito sa mga tungkulin ng empleyado.
Hindi sapat na mayroong paglabag ng patakaran ng kompanya. Dapat muna na sinadya ang paglabag at talagang mali o masama ang layunin ni Mia. Kahit pa malaya ang mga kompanya sa paggawa ng kanilang patakaran at regulasyon, dapat pa rin na makatao ito sa lahat ng oras at ito’y ipinaalam sa empleyado.
Ang paliwanag ni Mia na sumasakit ang kanyang sikmura dahil sa gutom ay hindi mahirap paniwalaan kaya dapat na kinonsidera ito sa paglapat ng parusa na dapat na limang araw na pagsuspinde sa kanya sa trabaho bilang parusa upang bigyang halimbawa sa ibang empleyado na huwag siyang tularan.
Tungkol naman sa mga dating kasalanan ni Mia, magagamit lang ang mga ito laban sa kanya kung may koneksyon ito sa kaso niyang paglabag ngayon. Sa kasong ito, walang kinalaman ang dati niyang mga kasalanan dahil tungkol naman sa pagkain ang pinag-uusapan. Kung tutuusin, dapat nating bigyan ng konsiderasyon ang 31 beses na pagpuri sa magandang serbisyo niya sa kompanya.
Dapat lamang na bayaran si Mia ng kabuuan ng kanyang backwages at anumang benepisyo/allowance na nararapat sa kanya mula nang tanggalin siya sa trabaho hanggang maging pinal ang desisyon sa kaso. Sa halip na ibalik siya sa trabaho, dapat din na bayaran siya ng kaukulang separation pay (McDonald’s etc. vs. Alba, G.R. 156382, December 18, 2008).
- Latest
- Trending