Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo
AYAN, mukhang makakahinga na nang kaunti ang kaso ng “Alabang Boys”, pati na ang isyu ng hidwaan ng PDEA at DOJ. Kasi, may bagong mainit na isyu na pinagkakaguluhan ang media ngayon. Nagpatuloy ang imbestigasyon sa fertilizer fund scam matapos ang bakasyon ng Pasko. At maraming nangyari sa pagdinig na ito noong isang araw. Nariyan ang batikos ni Sen. Gordon sa pinuno ng Anti- Money Laundering Council — dahil hindi pinayuhan ng AMLA ang Senado na paso na pala ang paghahawak sa mga bank account ni Bolante. Parang binigyan lang si Bolante ng pagkakataong limasin ang laman ng mga account niya bago makilatis ng Senado, por dios!
Marami ring mga dumalo na mga matitinding testigo sa kontrobersiyang ito sa Senado, katulad ni Jimmy Paule, Marites Aytono, Leonicia Llarena, Julie Gregorio at Marilyn Araos. At ang nakakuha ng higit na atensyon ay itong si Julie Gregorio, Presidente ng Feshan Phils. Inc. Ipinahayag nito na binabawi niya ang kanyang sinumpaang salaysay noong Dec. 22, 2008, kung saan ay pinresyuhan nila ng P600 ang bawat bote ng abono o fertilizer. Ang katotohanan raw ay P150 lang ang bawat bote. Kaya mga apatnaraang porsyento ang pinatong sa presyo nito na ibinenta umano sa gobyerno at binili naman! Eh, siyempre. Dito na ang kickback ng bumili na taga-gobyerno! Ang text pa nga sa amin sa radyo ay, kung chemist ka, alam mo na ang bawat bote ay may halaga lamang talaga na P40/ bote!
Nakonsiyensiya raw si Gregorio, at ginawa lang niya iyon para pagbigyan ang isang kaibigan. Kumpirmado na may malaking pagpatong nga na nangyari sa anomalyang ito — bagay na matagal nang gigil ang mga senador at mamamayang nagbabantay na mapatunayan sa wakas.
Mukhang malaki ang naging epekto ng bakasyon kay Gregorio, kung itong pinaka bagong pahayag niya ay katotohanan na nga. Baka naimpluwensiyahan ng diwa ng nakaraang Pasko at ito na ang naging resolusyon niya sa Bagong Taon. Diwa ng kasayahan at pagpapasalamat. Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo. Ito marahil ang yumakap sa damdamin ni Gregorio. Pero malayo pa sa pagtatapos ang isyu na ito. Nandyan pa rin ang matigas na pagtanggi sa halos lahat ng testimonyang lumabas kay Jimmy Paule, ang naturang “bag-man” ni Bolante — kahit pa na tuwiran na itong tinutukoy ng ibang testigo na siyang kausap nila sa pagpalabas ng fertilizer fund matigas din ang mukha ng taong ito. Mukhang malakas ang loob dahil may backer nang sinasandalan.
Nagtatahi-tahi na ang testimonya ng lahat ng dumalo sa Senado pero talagang ayaw umamin sa mga pahayag na dati na niyang kilala ang ilan sa mga testigo. May okasyon pa nga na nagtatawanan na sa Senado dahil sa tibay ng kanyang pagtanggi. 6-1 nga daw ang score, anya ni Sen. Mar Roxas, kung saan iyong anim ay nagtutugmaan na ang mga kwento, at mag-isa si Paule na tumatanggi! Marami nga ang napabilib sa mala-Balagtas na sinumpaang salaysay ni Paule bago nagsimula ang imbestigasyon. Pero dama mo na sa silid ang pagdududa sa lahat ng kanyang pahayag, kahit gaano pa kalalim ang pag-Tatagalog nito.
Nagsisimula nang magkaliwanag ang isyung ito. Pero hindi pa rin panahon para maka-bigkas ng tagumpay. Kung sa Alabang Boys nga, kahit maliwanag nang may mga drogang nasabat sa mga bata, mukhang mababasura pa rin ang kaso laban sa kanila. Baka ganun din ang mangyayari dito. Laluna kung mahusay ang abogadong magtatanggol sa katulad ni Paule. Tila umaakyat nang pagapang ang imbestigasyon. Kung saan ito titigil at kung kanino huling tutukoy, iyan ang kailangan pa nating abangan, kahit tila alam na nating lahat ang ending nito.
May pag-asa pa ba na ang katarungan ay maipataw sa nararapat sa bansang ito? Oo. Nasa inyong mga kamay kung sino ang matinong Presidente na inyong iboboto sa 2010.
- Latest
- Trending