Sawa na ang tao sa problema ng droga!
SA wakas nagsalita na si President Arroyo ukol sa kaso ng “Alabang Boys”. Inutusan ang lahat ng may kaugnayan sa umano’y suhulan ng mga prosekyutor na nagbasura sa kaso na mag-leave na muna. Sa katunayan ay gusto nang magbitiw sa tungkulin ang grupo ng mga prosekyutor dahil hindi na raw sila makapagtrabaho kung palagi na lang sila pinag-sususpetsahan. Ayaw na rin daw nila humawak ng mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. Pero tinanggihan ni Sec. Raul Gonzalez ang kanilang hiling at inutusan pa silang manatili sa mga puwesto nila. Dapat lang siguro sumunod si Gonzalez sa kanyang amo.
Mabuti naman at tila nakinig na ang President sa boses ng mamamayan, dahil na rin sa pagtutok ng marami, kasama na ang media, sa kasong ito. Sawa na ang tao sa salot ng illegal na droga. Galit na rin ang mamamayan sa nakikita nilang madalas na pagbasura ng mga kaso laban sa sa mga nasasangkot sa illegal na droga, lalo na kapag ang mga nahuhuli ay may kaya o maimpluwensiyang mga tao. Masyado nang pinagbibigyan ang mga ito na maipagpatuloy ang pagbenta ng lason nila, na wala namang nagagawa sa tao kundi manira ng buhay at pamilya. Naniniwala ako na kung mahihirap lang ang mga nahuling ito, nasa kulungan na ang mga iyan o baka niligpit na. Hindi biro ang illegal na droga. Malalim na ang mga galamay ng sindikato pati na sa mga ahensiya ng gobyerno. Ang pagiging numero uno na ng Pilipinas sa Asya ay patunay lang na walang nagagawa ang mga awtoridad ukol sa salot na ito. Ang nakitang bangayan sa pagitan ng PDEA at DOJ ay nagpawalang gana lamang sa mamamayan. Kaya malamang pinayuhan na si President Arroyo na kumilos, para bumango na rin ng bahagya ang administrasyon.
Ngunit mahirap na kasing maniwala na paninindigan ng administrasyong ito ni Arroyo ang kabutihan at sang-ayon sa batas — lalo’t isang kontrobersyal na kaso ang bumabandera at mga malalaking tao na malakas at malapit sa Ma-lacañang ang sangkot.
Mainam na nasa lebel pa lang ng mga piskal ang kaso at di pa umaabot sa desisyon ng DOJ Secretary. May pagkakataon pang magdesisyon ng tama si Gonzales nang hindi napapahiya. Yun nga lang, magagalit sa kanya ang mga sakop niyang piskal. Kung totoong may ugnayan at poder si President Arroyo kay Gonzales sa mga desisyon nito — mainam na payuhan itong sabi han na ang tao niya na gawin ang tama lang.
Pero malaking isyu pa rin — na tila pinaliliit lamang ni Gonzalez— ang kaso ng abogado ng mga suspek na si Atty. Felisberto Verano Jr., sa kanyang paggawa mismo ng sulat na mag-uutos na palayain na ang mga kliyente niya — sa pamamagitan ng pirma na lang ni Gonzalez. Kung bakit may angas siyang gumawa ng sulat, sa isang opisyal na papel pa ng DOJ, ay hindi maintindihan ng marami. Lalong hindi maintindihan kung bakit tila palo lang sa kamay ang dapat iparusa sa kanya! Bakit siya may opisyal na papel ng DOJ? Kahit sino ba ay makakakuha nito, para gamitin sa natatamang panahon? Kahit sino ba ay makakagawa ng sulat at ipaaabot na lamang sa DOJ secretary para pirmahan, na ipadadaan sa isa sa mga nasa ilalim niyang kalihim? Kahit sino ba ay magagawa ito? O iyong may karapatan lamang? Sa tingin ko hindi makakakilos ng ganito kaangas si Verano, nang walang pahintulot mula sa isang makapangyarihang tao. Para bagang sa tollgate, na kapag nakabayad na ng toll, ay makakadaan na, di ba?
Malaking problema ang sakop, malalim ang tagos at hindi matatawaran ang solusyon ng isyu ng drugs at ng Alabang Boys. Dito makikita ang pagka-seryoso ng gobyernong ito laban sa illegal drugs. Sa ngayon ay No. 1 na ang Pilpinas sa paggamit ng drugs sa buong Asya.
- Latest
- Trending