Para sa Bagong DENR Region III Director, Welcome!
PUMAPALAKPAK ang mga kamay at tenga ng BITAG sa balitang nakarating sa amin na inilipat na raw ang kontrobersiyal na direktor ng Department of Environment and Natural Resources sa Region III.
Tila nabunutan ng tinik ang mga residente ng Brgy. Bolitok, Sta. Cruz Zambales sa pagkakalipat ni Regidor De Leon sa isang lalawigan sa dulong bahagi ng Mindanao.
Nakatunog yata si DENR Secretary Lito Atienza na may black sheep sa kanyang mga tauhan at kumikilos ng wala sa tamang batas ng kanilang ahensiya.
Sino ba naman ang makakalimot sa problemang inirereklamo ng mga residente sa Bolitok, ang pagtibag sa bundok na kanilang proteksiyon sa malalakas na hangin at bagyo.
Walang pahintulot ito mula sa lokal ng kanilang barangay subalit napatag pa rin ang bundok dahil sa inisyung permit ng DENR Region III sa DMCI, isang kumpanya ng minahan na utak ng pagtibag sa bundok.
Matatandaan, matapos ang mainitang interview ng BITAG kay De Leon, Nobyembre ng taong 2008, nangako itong ipapakita raw niya ang permit ng DMCI na kanilang inisyu dahil nagawa raw ng kumpanya ang tamang proseso.
Hanggang sa isinusulat ang kolum na ito, wala pa kaming nakikitang Environment Compliance Certificate na inisyu umano ng DENR Region III sa DMCI.
At eto nga ang bagong balita, natsupi na siya sa Region III at inilipat sa Mindanao area. Pangakong napako, walang ipinagkaiba sa mga pulitikong trapo tsk tsk tsk.
Ganunpaman sa pag-upo ng bagong DENR Region III Director, sinasabi ng BITAG sa espasyong ito, malugod ang aming pagtanggap bilang bagong direktor ng nasabing ahensiya.
Nawa’y maging kasagutan na ito at masolusyunan ang reklamo’t hinaing ng mga residente ng Brgy. Bolitok na hang gang ngayon ay may takot sa kanilang kaligta-san oras na may dumating na bagyo o malakas man na hangin.
Hanggang sa ngayon, tinututukan namin ang kasong ito dahil hindi pa kami tapos. Nais pa naming makapanayam ang bagong DENR Region III Director at gusto namin siyang anyayahan sa aking programa sa UNTV, ang BITAG Live.
Abangan ang mga pag-unlad at susunod na mga kaganapan sa kasong ito.
- Latest
- Trending