Buhol-buhol na suhol
MALACAÑANG bribery? Check. (P500,000 gift bags kina Gov. “Among” Ed Panlilio, atbp.). HOUSE OF REPRESENTATIVES Bribery? Check. (Umuulan daw ng pera sa Linden Suites tuwing may Impeachment vote sa Kamara). COURT OF APPEALS (C.A.) Bribery? Check. (Meralco P10-million “offer” binulgar ni C.A. Justice Jose Sabio, Jr.).
Executive, Legislative at Judicial, lahat ng kagawaran ng pamahalaan nabahiran. Ang panunuhol ay isang cancer na lumulumpo sa lipunan. Unti-unting binabago ang kultura ng moralidad at fair play at ang ipinapalit ay ang kultura ng panlalamang at disrespeto sa batas. At anu- mang natitirang pag-asa ay nilamon na rin ng cancer dahil ang ahensyang may katungkulang mag-imbestiga sa kaso ng bribery ang pinakahuling nahawa. Department of Justice (DOJ) Bribery Scandal? Check.
Napag-usapan ng mga Senador kung tatawag ng Senate hearing upang maungkat ang puno’t dulo nitong pinakahuling iskandalo. Gustong pabayaan nina Sen. Gordon at Sen. Pimentel ang DOJ sa sarili nitong internal investigation. Si Sen. Aquino nama’y pabor sa pagta-wag ng hearing tulad ng ginagawa na ng HOUSE of Representatives. Aniya’y rebisahin ang batas kung nagkaka-roon ng balakid sa epektibong anti-drug campaign.
Maraming natututunan ang publiko sa mga ganitong sensational cases. Para bang laging may instructional video sa batas. Bagong buzz phrase ika nga ay ang “fruit of the poisonous tree doctrine” na bukambibig ng mga abogado ng Alabang Boys. Subalit malinaw na kung may batas na dapat bisitahin at rebisahin, ito ay ang batas laban sa bribery.
Ano ang pananagutan ng isang taong nagpaha-yag na may suhol na ayaw naman pangalanan ang nanuhol? Gaano kabigat dapat ang parusa upang talagang matakot ang mga nagtatang-ka? Ano ang administratibong parusa para sa mga kawani ng gobyerno na gagawa ng hindi mapaliwanag na panghimasok sa isang kasong wala naman siyang kinalaman? Ano ang command responsibility ng pinuno ng isang opisinang talamak sa suhulan?
Ang panunuhol ay cancer na dapat bigyan ng aga rang lunas. Hindi katanggap tanggap ang paliwanag na kung ano ang ginagawa sa itaas ay siya ring ginagaya sa ibaba.
- Latest
- Trending