EDITORYAL - Siguruhing hindi delikado sa tao ang Ebola virus
HUWAG daw mag-alala sa balitang may Ebola Reston virus sa bansa at umaatake sa mga baboy. Hindi raw ito delikado sa kalusugan ng tao. Hindi raw dapat mangamba ang mamamayan sapagkat animal health issue ito at hindi human health problem. Kakaiba raw ang Evola Reston kaysa sa kinatatakutang African Ebola hemorrhagic virus. Ito ang paalala ng Department of Agriculture makaraang ma-detect na may Ebola Reston strain virus sa mga baboy na nasa farms ng Bulacan, Pangasinan at Nueva Ecija.
Ganoon man, kahit na hindi nakatatakot ang Evola virus na na-detect sa mga farms sa nabanggit na lugar, ang mga baboy na kinakitaan ng sintomas ng Evola ay kinatay. Ang sintomas na nakikita sa baboy ay ang pagkakaroon nito ng lagnat. Ayon kay Agriculture secretary Arthur Yap, nilagay na sa quarantine ang mga farms na nakitaan ng Ebola.
Ipinayo naman ni Health secretary Francisco Duque na kahit hindi nakasasama sa tao ang Ebola, dapat pa ring mag-ingat ang mamamayan kung paano ihahanda ang mga karneng baboy. Kailangan daw na mailutong mabuti ang karneng baboy. Dapat ay pakuluang mabuti para masiguro na wala nang dugo na naiwan. Dapat ay malinaw na katas ang lalabas sa karne ng baboy pagkaraan itong pakuluan.
Kahit na hindi makasasama sa kalusugan ng tao ang na-detect na Ebola, dapat pa ring seguruhin ng DA at DoH na wala nito ang mga karne na ibebenta sa pamilihan. Kahit pa nga hindi makasasama sa kalusugan ang virus, hindi ito dapat ipagwalambahala o maliitin. Mas masarap kainin ang karneng hindi infected ng virus. Hindi ba’t mas maganda kung ang ihahandang pagkain sa hapag ay malinis? Ngayong patuloy ang pagdagsa ng mga smuggled na karne galing sa China at iba pang bansa, dapat na magbantay mabuti ang tanggapan ni Secretary Yap para masegurong walang makapapasok na produktong may Ebola.
Labindalawang araw na lamang at Pasko na. Karaniwang inihahanda sa Noche Buena ay mga pagkaing gawa sa karneng baboy. Tiyakin na ang mga karneng baboy na nasa palengke ay ligtas at walang Ebola. Bantayan ang mga palengke para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
- Latest
- Trending