Babala ng Ahensiyang Talak: Mag-ingat sa mga pekeng pera!
SA pagpasok ng kapaskuhan ay marami na namang nagsa samantala sa ating mga kababayan. Isa na rito ang pagpapakalat ng mga pekeng pera.
Ito ang ipinahayag ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang ahensyang nakilala ng BITAG na puro dakdak.
Noong nakaraang araw, nagbigay babala ang BSP partikular ang Monetary Board hinggil sa talamak na “coin smuggling”. Ilegal daw na ginagamit ang mga barya bilang parte ng computer, kasangkapan sa kusina at bala.
Kahapon, nagpalabas na naman ng isa pang babala ang mga ito kung saan nag-uumpisa nang kumalat ang mga pekeng P500 at P1000 bills.
Isa sa mga pahayag ng BSP, oras na makatanggap ng kahina-hinalang itsura o pekeng pera, mukhaan ang taong nagbigay sa’yo at kung maaari raw ay kunin ang plaka ng sasakyang gamit nito.
Ang tanong, paano kung walang sasakyan ‘yung kolokoy na nagbigay ng pekeng pera sa biktima? Ibig sabihin ngangawa na lang ang pobreng nakatanggap ng pekeng perang ito?
Nakalimutan yatang ipaalam ng BSP ang simpleng panuntunan sa pagkilatis ng tunay sa pekeng pera. BSP, gising…gising!
Paalala ng BITAG, sa pagkilatis ng tunay na bill o pera, base na rin ito sa ibinigay sa aming pahayag ng BSP (hindi kami marunong makalimot 2004 ito)…
Ang tunay na perang papel ay magaspang, at embossed o nakaangat ang mga naka-imprenta sa papel. Samantalang ang peke, makinis, at kapag kiniskis ng basang daliri ang pera (kahit laway lang ang gamitin), mabubura ang mga nakadisenyo rito.
Pinag-iingat ng BITAG ang lahat, marami ang mga dorobo o manloloko sa panahon ngayon. At ang mga ahensiya namang tutulug-tulog, ngakngak lang nang ngakngak, babala rito, babala roon, subalit hindi naman naiintindihan ni Juan Dela Cruz ang kanilang mga anunsiyo, magbago na kayo ng estilo!
Marami pa rin ang mabibiktima ng mga ganitong sindikato kung hanggang babala lang ang kaya niyo. Galaw-galaw at huwag nang puro kiyaw-kiyaw. Batu-bato sa langit ang tamaan ’wag magagalit, nagsasabi lang ng totoo ang BITAG!
- Latest
- Trending