EDITORYAL - Buwagin na ang PCGG
NOON pa dapat binuwag ang walang silbing Presidential Commission on Good Government (PCGG) para napigilan ang mga opisyales sa walang taros na paggastos ng pondo ng taumbayan. Lumobo ang gastos ng PCGG officials dahil sa kanilang biyahe sa abroad. Pero sa kabila nang malaking gastos na ginagawa ng mga opisyales, wala namang pakinabang na naidudulot sa sambayanan. Ang kanilang tungkulin na bawiin ang ill-gotten wealth ng Marcoses at cronies ay hindi nila nagampanan.
Mula January hanggang June, 2008, nakapag-withdraw na ang PCGG officials ng $958,751 mula sa “foreign litigation fund” na $34.14 million na nakadeposito sa Philippine National Bank. Ang “foreign litigation fund” ay laan para sa mga dayuhang abogado na kinakatulong ng PCGG para sa paghabol sa ill-gotten wealth sa abroad. Ang fund na ito ay nilikha ng namayapang dating PCGG chairman Haydee Yorac noong 2004. Sa panahon ni Yorac, hindi nabawasan ang fund at lumago pa ng $59 million. Imbes kasing mag-travel si Yorac at PCGG officials noon, tinatawagan na lamang nila sa telepono ang mga dayuhang abogado para makakuha ng update sa ill-gotten wealth na hinahabol ng Pilipinas.
Sa pagkawala ni Yorac, nabago na rin ang pamamalakad sa PCGG at wala nang marinig na magandang balita ukol sa ill-gotten wealth na kanilang hinahabol. Ang masama, nababawasan ang pondo para sa foreign lawyers na wala namang napapakinabang.
Ang mga PCGG official ay nasasangkot sa mga kontrobersiya kagaya ng pag-indifinite leave ni PCGG chairman Camilo Sabio nang masangkot sa legal battle sa pagitan ng Meralco at Government Service Insurance System. Ang PCGG official na si Ricardo Abcede ay nakitang nakikipagsayaw kay dating First Lady Imelda Marcos. Inimbita ni Abcede si Marcos sa birthday niya. Mula noon, nakapagtatakang pawang panalo si Marcos sa mga kasong may kinalaman sa “nakaw na yaman”.
Maraming iniimbestigahan ang Senado na may kinalaman sa paglustay ng pondo. Mababanggit ang fertilizer fund at ang “euro generals”. Sa pagkakataong ito, dapat ibaling ng Senado ang tingin sa PCGG ukol sa mga malalaking gastos na ginagawa ng mga opisyal nito. Imbestigahan sila. Panahon na rin para buwagin ang walang silbing PCGG!
- Latest
- Trending