Bentahan ng cellphone nauwi sa barilan: Buyer todas, 2 sugatan!
SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang lalaking buyer ng cellphone habang sugatan ang magkapatid na kasama niya nang pagbabarilin ng binatang katransaksyon sa bentahan ng cellphone sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang napatay na si Emmanuel Reynaldo, 20-anyos ng Upper Quarry, Brgy. Minuyan, San Jose del Monte City habang sugatan ang magkapatid na sina Martin Beriño, 48, binata, at Mario Beriño, 43; kapwa residente ng nasabing barangay.
Naaresto naman ang suspek na si Kenneth Libahan, 22-anyos, walang trabaho, residente ng Sapang Lamig, Brgy. Minuyan Proper ng nasabing lungsod, na nahaharap sa mga kasong homicide at 2 counts of frustrated homicide.
Sa report ng SJDM City Police Station, alas-3:20 ng hapon, nagkaroon ng transaksyon sa bentahan ng cellphone sa Upper Quarry, Brgy. Minuyan Proper ang buyer na si Martin kasama sina Mario at Emmanuel sa nagbebentang si Kenneth.
Nabatid na nang tawaran ng mga biktima ang ibinebentang cellphone ay nainsulto umano sa kanilang presyo ang suspek kaya bumunot ng baril at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang mga biktima at mabilis na tumakas sa direksyon ng main road.
Dead-on-the-spot ang napuruhang si Emmanuel habang isinugod ang dalawang kasamahang sugatan sa Ospital ng Lungsod para sa paunang lunas.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya sanhi ng pagkakaaresto ng suspek sa kanyang bahay at narekober sa kanya ang cal. 38 revolver na may tatlong bala.
- Latest