'Lalaban hanggang wakas'
NAPAKAHIRAP PARA sa isang babae ang aminin na siya ay biktima ng panggagahasa. Kailangan niyang tiisin ang lahat ng kahihiyan, panlalait at panghuhusga ng mga tao kung totoo ngang biktima siya o ginusto niya ang mga nangyari sa kanya.
Higit na mas mahirap kung ang biktima ay isang babaeng menor-de-edad. Marami sa kanila ay mas gustong manahimik na lang at itago ang masamang yugto ng kanilang buhay.
October 16, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Katrina, di tunay na pangalan, upang idulog ang umano’y panggagahasa sa kanya nung siya ay labing-anim na taong gulang pa lamang.
Si Katrina ay 23 taong gulang na ngayon. Maraming taon na rin ang nakalipas subalit ang detalye ng mga pangyayari ay di pa rin nabubura sa kanyang isipan.
March 2, 2001 bandang alas otso ng gabi nagkaroon ng pagtatalo si Katrina at ang kanyang mga kapatid dahil sa mga kaibigan ni Katrina.
Dahil sa sama ng loob naisipan ni Katrina na pumunta sa bahay ng kanyang kaibigan na si Floridel Alindoy sa South Cembo,Makati City.
Pinayuhan siya ni Floridel na umuwi nalang dahil gabi na at baka maabutan pa ng curfew ng alas diyes ng gabi.
Alas nuwebe y medya ng gabi ng umuwing naglalakad si Katrina dahil wala siyang perang pamasahe.
Habang umiiyak na naglalakad ay nakasalubong niya sila Edeng Marangan at Jeffrey Mandap na nakilala niya dati sa sayawan sa kanilang barangay.
Tinanong siya nila Edeng at Jeffrey kung bakit siya umiiyak. Niyaya siya ng mga ito sa inuman nila dahil birthday daw ni Edeng.
Upang makalimutan ng panandalian ang problema sumama si Katrina sa compund kung saan nakatira sila Edeng sa Brgy. San Jose, Guadalupe Nueva, Makati City.
Nadatnan niyang nag-iinuman na ang ibang kaibigan nila Edeng na sina Junnel, Jurasic, Ton-Ton, Plip at Bulag sa bakanteng lote sa loob ng nasabing compund.
Ayon kay Katrina na nakikipagkwentuhan lang siya at hindi siya umiinom nung mga oras na yun.
Matapos ang ilang minuto dumating si Cristobal Enero o mas kilala sa tawag na Bong. Siya ay 17 taong gulang at may kalakihan ang pangangatawan.
Nung una naka-upo si Bong sa harapan ni Katrina. Biglang siyang tinabihan nito at pinipilit uminom.
“Nung una ayoko talagang uminom pero dahil na rin sa hiya at pakikisama napapayag ako ni Bong. pagtapos ng dalawang shots ng gin-pomelo ay medyo hindi na maganda ang pakiramdam ko. Yung pangatlong shot ay tuluyan na akong nahilo at para bang gustong kong sumuka,”kwento ni Katrina.
Dagdag pa ni Katrina na pumunta siya sa cr. Dahil sa pagkahilo ay hindi na siya nakalabas at napa-upo nalang dun.
Pinilit niyang dumilat at nakita niya na pumasok si Bong sa loob ng cr at kinaladkad siya palabas. Inihiga siya sa mahabang upuan na kahoy. Narinig ni Katrina na sinabi ni Bong na “Walang makekealam. Ako bahala dito” at dun sinimulan ni Bong ang panghahalay sa kanya.
“Napakabilis ng pangyayari. Naramdaman ko nalang na may mabigat na nakadagan sa akin at masakit ang ari ko. Pilit kong inawat si Bong ngunit hindi ako makalaban at hanggang salita lang ako. Narinig ko rin na inaawat siya ng mga kainuman namin pero hindi siya nakikinig,” ayon sa salaysay ni Katrina.
Hinimatay si Katrina at nagising nalang siya na sakay ng isang jeep. Dun siya dinala ni Jeffrey at Jurasic matapos siya umanong gahasain ni Bong. Pilit siyang pina-iinom ng kape ni Norman Ramirez o mas kilala sa tawag na Buboy.
Sabi ni Katrina na dahil sa wala pa siya sa tamang katinuan at ayaw niya pang umuwi sa kanilang bahay dahil sa takot dinala siya ni Buboy sa Fairview sa bahay ng lola ni Buboy.
Ala singko y media ng umaga ng makarating sila sa Fairview. Dun ay pinahiram siya ng damit. Nung nagbihis siya nakita niya ang kanyang panty na meron dugo. Pinagpahinga siya mag-isa sa isang kwarto.
“Hindi ako makatulog. Iyak lang ako ng iyak at hindi ko alam ang aking gagawin. Iniisip ko anong mangyayari pag nalaman ito ng pamilya ko. Buti nalang tinulungan ako nila Kuya Buboy,” mula kay Katrina.
March 3, 2001 ng bumalik sila sa Guadalupe, Makati upang humingi ng tulong sa kapatid ni Kuya Buboy na si Arceli Ramirez.
Alas onse ng gabi ng pumunta sila sa Philippine General Hospital upang magpa-medico legal examination.
Ayon sa Medico Legal Examination Report na pinirmahan ni Dr. Bernadette J. Madrid ng Child Protection Unit na positibo sa Fresh Laceration and Contusion at 6 o’clock position.
Kina-usap ni Dr. Madrid si Arceli na kailangan dalhin si Katrina sa Department of Social Welfare and Development DSWD sa Legarda dahil ayaw nitong umuwi.
Umaga na ng March 4, 2008 ng makarating sila sa National Bureau of Investigation upang magreklamo.
Matapos kuhaan ng statement si Katrina sa NBI dinala siya sa DSWD.
Kina-usap ng isang social worker si Arceli at sinabi niyang kailangan puntahan ang mga magulang ni Katrina para malaman ang nangyari sa bata.
Pumunta kaagad ang magulang ni Katrina sa DSWD at dito ipinaliwanag ang mga nangyari kay Katrina.
“Takot na takot ako nung nalaman kong pupunta ang magulang ko para sunduin ako dahil alam kong malaking kahihiyan ito para sa kanila at sa pamilya namin, pero ng nakita nila ako ay pinaramdam nila sa akin na kakampi ko sila,” sabi ni Katrina.
Ayon kay Katrina tumagal ang kaso niya dahil sa nagpapalit-palit sila ng Prosecutor.
August 3, 2005 ng lumabas ang desisyon ng korte na pinirmahan ni Judge Oscar Pimentel ng Regional Trial Court, Branch 144, Makati City.
“Tuwang-tuwa ako ng lumabas ang desisyon dahil panig ito sa akin. Inakala kong mapagdudusahan na ni Bong ang ginawa niya sa akin sa kulungan ngunit mali ako,” pahayag ni Katrina.
Ayon kay Katrina na naghihintay sila ng sulat mula sa korte kung ano na ang mga susunod na mangyayari ngunit hanggang sa ngayon wala pa rin silang nagtatanggap.
“Napakasakit dahil kung minsan ay nakikita ko pa rin si Bong na malaya at nagagawa ang mga gusto niya na para bang wala siyang kasalanang dapat pagbayaran. Gusto kong magdusa siya sa kahayupang ginawa niya sa akin. Lalaban ako hanggang huli makamit lang ang hustisya,” pahayag ni Katrina.
Kamakailan lang ay nalaman ni Katrina na inakyat pala sa Court of Appeals ng panig ni Bong ang kasong Rape in Relation to RA 7610.
Binigyan namin siya ng referral kay Chief Percida Acosta ng Public Attorney’s Office na siyang humahawak ng mga kaso na inapila sa mas mataas na hukuman upang matingnan kung paano mapapabilis ang pagresolba ng kasong ito. (KINALAP NI JONA FONG)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayong magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Email: [email protected]
- Latest
- Trending