Fool-proof system sa Agri projects inilatag na
SIGURO naman ay wala nang makalulusot na kalokohan sa implementasyon ng mga programa ng Department of Agriculture ngayon. Kailangang-kailangang pasiglahin ang food production at nakakairitang mabalitaan na sa dulo ng implementasyon ng mga programa ay may nangyayaring katiwalian.
Pati nga si Agriculture Secretary Arthur Yap ay di maiwasang magalit dahil sa kontrobersyang bumalot sa kanyang departamento kamakailan. Paano ba naman, siya ang nababanatan sa mga kalokohang wala siyang kinalaman. Nangyayari kasi ang mga iregularidad sa mga munisipalidad o local level where the projects are being implemented. Siguro’y dun nagkulang ang DA. Sa mahigpit na monitoring o pagsubaybay sa mga proyekto lalu pa’t ginagastusan ng milyun-milyong piso.
Kaya nga bumuo si Yap ng fact-finding committee noong nakaraang buwan para busisiin ang sinasabing iregularidad ng Commission on Audit (COA) sa 2007 report sa implementasyon ng proyekto ng Department of Agriculture (DA) na Ginintuang Masaganang Ani (GMA).
Base sa resulta ng imbestigasyon, nagpatupad si Yap ng bagong sistema. Ito ay sa layuning epektibong subaybayan ang mga farm productivity projects sa mga lalawigan. Kasama na riyan siyempre ang mas maayos na paglalabas ng pondo sa mga program partners nitong mga non-government organizations (NGOs) at people’s organizations (POs).
Lumilikha si Yap ng mga national at regional teams na magsasagawa ng monitoring at maagap na appraisal ng mga programa ng DA para sa mga magsasaka na magsisilbing internal audit system para masukat ang progreso ng mga GMA initiatives at masigurong ang mga intervention measures o mga tulong ng DA ay nakakarating nga sa mga pinupuntiryang benepisyaryo gaya ng mga magsasaka at mangingisda.
Naglabas din si Yap ng bagong alituntunin para sa mahigpit na pag-iisyu ng pondo sa mga NGO at PO. Para masigurong tumutugon nga ang mga alituntunin ng DA sa mga alituntunin ng COA, ang guidelines na ito ay sinunod sa mga probisyon ng COA Circular No. 2007-001 na nagtatakda ng mga alituntunin sa paglalabas ng pondo sa mga NGO at PO.
Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang pagsisiyasat ng fact-finding team. Hiniling na nga ni Yap sa resident auditor ng DA na si State Auditor Elnora Sta. Maria na magtalaga ng mga COA representatives na makakatulong sa probe panel na mag-check o mag-validate sa mga lokal na lebel sa mga iregularidad na binabanggit ng COA sa 2007 report nito.
Ang malawakang repormang ipinatupad ni Yap ay resulta ng paunang ulat ng komite tungkol sa mga depekto ng monitoring system ng farm productivity projects ng gobyerno, bunsod ng devolution of powers sa mga pamahalaang lokal.
- Latest
- Trending