EDITORYAL - Pagtuklas sa alternative fuel ay huwag itigil
KILALA ang mga Pinoy na may ugaling “ningas kugon”. Mahusay lamang sa umpisa pero kapag tumagal na, matamlay na. At malamang na ganito ang kauwian ng kampanya sa pagtitipid at pagtuklas ng alternative fuel. Paano’y pababa nang pababa ang ang presyo ng crude oil sa world market. At iisa ang ibig sabihin nito, bababa rin ang presyo ng petroleum products. At kapag mababa na ang gasolina, diesel at liquefied petroleum gas (LPG), baka malimutan na ang magtipid at maghanap ng alternati-bong fuel.
Nag-rollback na naman ang presyo ng gasolina at diesel kamakalawa. Dalawang piso ang ini-rollback. Ang “tatlong dambuhala” — Caltex, Petron at Shell ay nakipagsabayan na sa mga small oil players.
Ang mabilis na pagbulusok ng presyo ng crude oil ay magandang balita sa mamamayan sapagkat dito ibinabatay ang presyo ng mga bilihin. Maaaring bumaba na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, isda, karne, sardinas, asukal at marami pang iba. Maaaring mag-rollback na rin ang pamasahe sa bus at dyipni.
Magpapatuloy pa raw ang pagbaba ng crude oil sa mga susunod na araw at natural na ang kahulugan nito ay ang pagbaba pa ng presyo ng gasolina at diesel. Ang ganitong magandang balita ay hindi naman dapat maging dahilan para hindi na ipagpatuloy ng pamahalaan ang kampanya sa pagtitipid at ang paghahanap ng alternative fuel. Huwag sanang isipin na kesyo pababa na nang pababa ang presyo ng langis sa world market ay titigil na sa paghahanap ng paraan o kaya’y kalilimutan na ang pagtitipid.
Isang malaking pagkakamali kung ang mga nasimulang proyekto para sa paghahanap ng alternative fuel ay hindi na ipagpapatuloy. Mas maganda kung lalo pang pag-iibayuhin ang pagtatanim ng jathropa plant (tuba-tuba) na ayon sa mga eksperto ay mahusay na source ng fuel. Kamakalawa, nalathala sa mga pahayagan na ang lumot (algae) ay maaaring pagkunan ng fuel. Maging ang mga pinaglutuang mantika ay maaari rin daw gamiting fuel sa mga sasakyan ayon sa mga scientist.
Huwag din namang kalimutan ng pamahalaan ang direktiba na magtipid sa paggamit ng gasolina at diesel. Ipaalala na huwag nang gamitin ang mga sasakyang malakas kumunsumo ng fuel. Sa halip, hikayating mag-commute o sumakay sa LRT o MRT.
- Latest
- Trending