‘Dugo sa tulay...’ Kinalap ni Jona Fong
MIYERKULES NAISULAT KO ang pananambang kay PO3 Ferdinand Baquiran at sa kanyang pamilya sa tulay, boundary ng Naic at Maragondon, Cavite.
Siya yung pulis na inirefer sa aming tanggapan ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez upang i-ere sa aming programa sa Radyo sa DWIZ ang “Hustisya Para Sa Lahat.”
August 5, 2008 ng magpunta siya sa aming tanggapan dala ang tila masamang panaginip na nangyari sa kanyang pamilya.
Ayon kay PO3 Baquiran ay kinausap siya ng isang Rodelio Punzalan. Isang U.S Citizen na may-ari ng 67 hektarya ng lupa sa Sitio Balayungan Pantihan I, Maragondon, Cavite.
Nagkasundo sila na pamamahalaan ni PO3 Baquiran at ni Brgy. Kapitan Malimban ang pamumutol ng tanim na kahoy at kawayan sa pagmamay-aring lupain nito.
“Dahil kailangan namin ng pera kaya pumayag ako. Nagpaalam muna kami ni Kapitan Malimban sa Mayor ng aming bayan na si Mayor Monte Anico Andaman at sinabi namin na kung pwede kami kumita ng extra income,” sabi PO3 Baquiran.
Agad naman nila ipinaalam sa mga taong nakatira at nagtanim sa lupain ang desisyon ng may-ari na si Punzalan na siya na ang aani ng mga kawayan at puno at sila PO3 Baquiran at Kapitan Malimban naman ang mamamahala.
Ayon kay PO3 Baquiran na hindi nila alam na may di pagkakasunduan si Punzalan at si Mayor Monte-Andaman dahil sa lupa at sa mga tao ni Mayor na kinilalang mga Dino Brothers.
Sabi ni PO3 Baquiran na ginugulo ng mga Dino Brothers ang kanilang mga trabahador upang matigil ang pagputol ng mga puno at kawayan.
Kasabay nito ay inaabangan daw ng mga Dino Brother si Kapitan at nung nagtagal mismong si Mayor na ang pumunta kay Kapitan Malimban upang sabihing lumayo kay PO3 Baquiran.
Ikinwento ni Kapitan ang pangyayari at pinayuhan si PO3 Baquiran na tumuloy muna sa nakatatandang kapatid ni Kapitan na si Tunying Malimban.
Dun na namalagi si PO3 Baquiran sa bahay ni Tunying para mas mabantayan ng maayos ang pagpuputol ng puno. Ang layon nito ay magkaroon ng tamang kwenta at mabayaran ang mga trabahador.
Ipinakilala ni Punzalan si Justiniano Malaluan. Siya ay bumibili at nagtatabla ng mga kahoy.
March 19, 2006 ng magpunta si Justiniano sa bahay ni Tunying. Bandang alas kwatro ng hapon ng silay mag-inuman. Kasama ni PO3 Baquiran ang kanyang asawa na si Wilma at sampung taong gulang na anak na si Wendy. Nagkasarapan sa inuman ng napansin ni PO3 Baquiran na madilim ang ulap kaya’t kinabahan ito.
“Naalala ko yung sinabi ni Kapitan na huwag kaming magpapagabi sa kalsada kundi ay dun nalang kami magpalipas hanggang umaga sa bahay nila Tunying,” kwento ni PO3 Baquiran.
Tuluyang kumagat na ang dilim sa buong kapaligiran. Bandang Alas otso ng gabi ng nagpaalam ang pamilya ni PO3 Baquiran.
Hinatid ni Justiniano sila PO3 Baquiran sa kanilang owner jeep at sinabihan sila nito ng “Sige Pare kung hindi ka na talaga mapipigilan ay mag-ingat ka na lang pagdating sa may tulay”.
Biglang nagkaroon ng kakaibang pakiramdam si P03 Baquiran sa mga nadinig niya. Pati asawa niya umano’y kinilabutan. Sinabi ni Wilma na siya na lang ang magmamaneho dahil nga nakainom at pagod na ang kanyang asawa. Kahit puno ng tension ang mag-asawa ay itinuloy pa rin nila ang pag-uwi
Ihinanda ni PO3 ang kanyang sarili sa mga pwedeng mangyari. Inihanda niya ang kanyang mga baril dahil delikado nga ang kanilang biyahe nung gabing yun.
“Pagdating sa gitna ng tulay ay may lumabas na tao mula sa puno na may hawak na mahabang baril. Nagulat kami pero tuloy pa rin ang aming pag-andar. Bigla na lang kami pinaputukan ng sunod-sunod. Narinig kong napasigaw ang asawa ko sabay tigil ng aming sasakyan. Nakita kong unang tinamaan ang asawa ko’t aking anak.
May tama rin ako kaya tumalon ako at dumapa sa kalsada.” ayon sa sinumpaang salaysay ni PO3 Baquiran.
Makalipas ang ilang saglit ay nakita niya naman ang dalawang tao na may bitbit na mahabang baril na papalapit pa rin sa kanila. Naiwan ang isa sa di kalayuan at yung isa ay lumapit at pagtapat sa kanilang sasakyan at pinaulanan ulit ito ng bala. Umikot ito sa bandang likuran ng sasakyan at ng malapit na ito sa kinatatayuan ni PO3 Baquiran ay pinaputukan niya ang lalake at ito’y natumba.
Sa puntong ito ay nakita niyang tumakbo ang mga kasamahan ng lalakeng ito kaya hinabol ni PO3 Baquiran ang mga ito ng putok.
“Medyo madilim nung mga panahong yun pero nakabukas ang headlights ng jeep kaya’t nakilala ko ang ilan sa mga taong tumambang sa amin. Ang ilan sa kanila ay si Eric Dino, Edwin Dino, Elmer Dino at Jun Dino,” ayon sa sinumpaang salaysay ni PO3 Baquiran.
Napatay ni PO3 Baquiran ang dalwa sa mga ito. Ang isa ay hinila ng mga suspect habang tumatakas at yung isa naman ay talagang binantayan niya upang hindi nila madala at ito’y nakilalang si Serapio Casal. Siya ay kaibigang matalik ni Elmer Dino.
“Kahit may mga tama na ako sa katawan ay lumaban pa rin ako lalo na nung nakita ko yung mag-ina kong nakabulagta na. Dun ako humugot ng lakas. Tumagal yung putukan ng mga walong minuto. Matataas na klase ng baril ang mga gamit nila kaya tumalsik ang utak ng aking mag-ina,” kwento ni PO3 Baquiran.
Hindi alam ni PO3 Baquiran ang kanyang gagawin nung nakita niya ang walang buhay niyang mag-ina. Wala siyang magawa para makahingi ng tulong dahil naflat lahat ng gulong ng kanilang sasakyan.
ABANGAN SA LUNES ang mga susunod na pangyayari sa pananambang kay P03 Baquiran at ng kanyang pamilya …Eksklusibo dito lang sa “CALVENTO FILES SA PSNGAYON.”
PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
- Latest
- Trending