EDITORYAL – P858 isang araw ang gastos!
MARAMI na talaga ang aangal sa hirap ng buhay sa kasalukuyan. Kailangan ng isang ordinaryong pamilya ng P858 para mairaos ang pangangailangan sa araw-araw. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) lumala na nang husto ang nararanasang kahirapan ng buhay sa kasalukuyan. At sinisi ng Bayan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng petroleum products sa nararanasang kadahupan ng buhay. At sa kabila naman daw nito, hindi naman matinag ang gobyerno sa kanilang paninindigan na huwag alisin ang value-added tax sa petroleum products. Twelve percent ang ipinapataw na VAT sa mga produktong langis.
Dalawampung beses nang nagkaroon ng oil price increase at marami pa raw susunod na pagtataas ang mga kompanya ng langis. Noong Linggo ay nagrollback ng P1.50 bawat litro ng diesel ang mga kompanya ng langis. Ang rollback ay dahil daw sa pakiusap ni President Arroyo. Katataas lamang ng P3.00 bawat litro ng diesel noong Sabado ng umaga. Ngayon ay lumalabas na utang na loob pa ng mamamayan kay Mrs. Arroyo ang pagro-rollback ng P1.50. At ang rollback ay hindi naman gaanong nakatulong sa mga mamamayang nahihirapan na sa paghihigpit ng sinturon.
Nagrollback ng P1.50 sa diesel pero sa susunod na linggo baka naman bumawi ang mga kompanya ng langis sa pagtataas ng presyo ng gasolina o liquefied petroleum gas o kaya’y kerosene. Pinaiikut-ikot lamang ng mga kompanya ng langis ang isipan ng mamamayan. Nililito na. Kapag ibinaba nga naman, hindi gaanong masasaktan at saka na lang uli itataas ng dahan-dahan para hindi maramdaman. Pero sa nangyayari ngayon na walang patlang na pagtataas linggu-linggo, imposibleng hindi ito mahalata ng mamamayan. Marami nang gustong masiraan ng ulo sa sistema ng pagtataas. At lalo pang nakasira ang suhestiyon kamakailan ni Energy Sec. Angelo Reyes na bakit hindi na lang gawin na isang bagsakan ang pagtataas ng gasolina at diesel. Ang galing! Siguro’y nagkaroon ng ideya ang mga kompanya ng langis kay Reyes kaya walang kaabug-abog na nagtaas ng P3.00 bawat litro ng diesel.
Malaki pa raw ang dapat na bawiin ng mga kompanya ng langis dahil sa pagkalugi. At iisa lamang ang ibig sabihin nito, kukulangin talaga ang P858 isang araw na panggastos. Kawawa na talaga si Juan dela Cruz.
- Latest
- Trending