Trahedyang-dagat na naman!
ISA na namang trahedya sa dagat ang naganap. Isang barko na naman ng Sulpicio Lines ang lu-mubog. Sa 700 pasahero ng MV Princess of the Stars, mahigit 50 pa lang ang ligtas at siyam na ang natagpuang patay. Habang sinusulat ko ito, hindi pa matiyak kung ang karamihan ng mga pasahero ay nasa loob pa ng barko, dahil ayon sa mga nakaligtas, maraming tumalon sa dagat nang ipahayag ng kapitan na lisanin na ang barko.
Ang tanong, bakit bumiyahe pa ang barko gayong alam na may paparating na bagyo? Bakit ito pinayagan ng Coast Guard na bumiyahe? Kahit malaki ang barko, malakas naman ang paparating na bagyo. Kung hindi naman lumabag sa patakaran ang Coast Guard sa pasya nilang payagan ang MV Princess of the Stars, kailangan sigurong baguhin ang mga patakaran na iyan dahil nga sa nangyari sa minalas na barko. Hindi pa rin talaga masasabi kung ano ang gagawin ng bagyo, kung lalakas pa o hindi. Kaya hindi dapat isugal ang buhay ng mga pasahero kapag may bagyo. Hindi na nga maganda ang mga gamit-panligtas, kaya hindi na dapat pinapayagan ang lahat ng barko na bumiyahe kapag may paparating na bagyo.
At ganun nga ang ginawa ni “Frank”. Biglang nagbago ng direksyon, na tila sinundan ang M/V Princess of the Stars.
Ang Pilipinas ay puro isla, kaya mahalaga ang mga pangkaragatang industriya, lalo na ang mga pampasaherong sasakyang-dagat. Pero dahil daanan din tayo ng mga bagyo sa mga panahon ngayon, hindi na dapat nagbabasakali na kakayanan ng isang barko ang mga alon at hangin na idudulot ng isang bagyo, mahina man o malakas.
Ang pinakamasamang trahedyang-dagat sa buong mundo ay naganap sa karagatan ng Pilipinas noong 1987. Ang M/V Doña Paz na pag-aari rin ng Supicio Lines ay bumangga sa isang M/T Vector sa gitna ng dagat. Lumiyab ang langis na dala ng M/T Vector na agad namang kumalat sa M/V Doña Paz. Mahigit 4,000 katao ang namatay sa trahedya.
Dito nakikilala ang Pilipinas. Mga trahedyang-dagat, o kahit sa mga ilog lang. Marami ang namamatay dahil sa overloading, hindi sumusunod sa patakaran, at pagbabalewala sa lakas ng kalikasan.
Madalas kong marinig sa mga nakakausap na dayuhan ang mga pintas sa sistema sa Pilipinas. Hindi ko sila masisi o mapagsabihan, kasi tama sila. Isipin mo nga naman na sa gitna ng napakalaking dagat, ay nagbabanggaan pa! Kailangang baguhin na ang mga patakaran, na tatapat din sa mga kakayahan natin. Hindi yung maghihintay na lang tayo ng mga katawan at bangkay na ibabalik ng dagat sa baybay, o kaya’y magdasal na lang na may mga naligtas.
- Latest
- Trending