^

PSN Opinyon

Sino ang mananagot kay Kryzzy?

REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. -

ANG daming exciting na balita: OBAMA, unang itim na kandidato sa pagkapangulo ng Amerika; BOLANTE, idedeport na ng US; text messages, pinabababa ng NTC ng 20 centavos;  NLEX ng mga Lopez, inutusan ni GMA na bawasan ang toll rates; at ang direktiba ng Malacañang sa mga tanggapan ng gobyerno na magtipid sa kuryente.

Sa kabila ng lahat ng ito, umaalingasaw ang sinapit ni Kryzzy, ang 3 taong gulang na batang babae na bumibili lamang ng fishball ay walang pakundangang pinagtripan ng isang adik at walang awang dinukutan ng mata dahil daw akala niya ito ay palaka(?)! Huwag nang isipin kung ano ang nag-udyok sa salarin na gawin ang karumaldumal na aktong ito. Sayang ang ating pagtimpi. May kutob ako na sa daming namumuhi sa kanya’y baka maaga niyang matikman ang hustisyang nararapat. Ang pagtuunan ngayon ay kung paano mahihilom ang trauma ni Kryzzy. Paano mabubura sa isip ng musmos ang karahasang naranasan sa loob ng mismong barangay, sa kamay ng mga miyembro ng sariling komunidad? Kasing hapdi ng tinamong kawalanghiyaan ang iniwan nitong sugat sa pagkatao ni Kryzzy. Buong buhay niyang papasanin ang kanyang takot. Sa isang iglap ay ninakaw sa kanya  hindi lang ang paningin kung di pati rin ang kanyang pagka­inosente at anumang pag-asang lumaki pa ng normal. Kailangang siguruhin na ang ganitong trahedya ay hindi na sapitin pa ninuman.

Malungkot ito hindi lang para sa kanyang pamilya. Bawat isang Pilipino ay tinamaan din ng trahedya ni Kryzzy. Katungkulan ng estado ang proteksyunan ang mama­mayan lalo na iyong mga sektor na higit na kailangan ang paggabay ng gobyerno. Mga may kapansanan, may diperensiya sa pag-iisip, mga matatanda at mga musmos. Karapatan nating magtiwala na kayang gampanan ng mga namumuno ang respon­si­bilidad na ito. Nakaka­panlumo ang nangyari kay Kryzzy dahil biglang naipamukha na huwad pala ang kumpiyansa natin sa gobyerno at ang totoo’y wala tayong ma­asahang protek­syon.

Kailangang may ma­nagot sa sinapit ni Kryzzy. Kung ang gobyerno ang nagkulang, walang ibang sisisihin kung hindi ang sarili nating kapaba­yaan. Kargo nating mga nasa tamang edad at wastong pag-iisip ang ating mga kababayang nasa gan­yang sitwas­yon. Ang pa­mahalaang hindi kayang magbigay ng seguridad sa kan­yang mga mama­ ma­yan ay walang kara­pa­tang magpatuloy bi­lang kinatawan ng bayan.

AMERIKA

BAWAT

BUONG

HUWAG

KAILANGANG

KARAPATAN

KRYZZY

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with