EDITORYAL – ‘Ka Bel’
INIHATID na sa kanyang huling hantungan kahapon si Anak-Pawis party-list representative Crispin “Ka Bel” Beltran. Makulimlim ang langit na tila nakikiramay sa pagyao ng isang taong nagsilbi sa kapakanan ng kapwa niya mahirap. Si “Ka Bel” na nakaugalian nang itawag sa kanya sa halip na Congressman o Honorable, ay ipinagluksa nang maraming anak-pawis. Marami ang sumama sa paghahatid sa kanya sa hantungan.
Isinilang na mahirap at namatay ding mahi-rap si Ka Bel. Dahil sa kahirapan at sa edad na 75 siya pa rin ang nagkukumpuni ng kanyang bahay. At ang pagkukumpuni niya sa sirang bubong ng kanyang bahay sa San Francisco Homes, San Jose del Monte Bulacan ang naging dahilan ng kanyang kamatayan. Nabagok ang kanyang ulo nang mahulog siya sa 14 feet na bubong. Nakatakda siyang pumasok sa Kongreso ng umagang iyon ng Martes (Mayo 20) pero kinailangan muna niyang akyatin ang bubong at tapalan ang butas dahil tumutulo. Nawalan siya ng panimbang at nahulog sa semento. Isinugod siya sa ospital sa Fairview, Quezon City subalit makalipas ang isang oras ay binawian ng buhay.
Sanay sa gawaing mahirap si Ka Bel sapagkat matagal na siyang nagpapatulo ng pawis. Ang kinakain at ipinakain sa kanyang asawa at mga anak ay mula sa marangal na pagpapatulo ng pawis. Para makatapos ng pag-aaral ay kung anu-anong trabaho ang pinasukan. Naging lider manggagawa hanggang sa maluklok bilang representante ng mga manggagawa at mahihi- rap sa Kongreso.
Habang ang mga kasamahang mambabatas ay nagpapalakihan ng assets and liabilities, si Ka Bel ay ipinagmamalaking ang ari-arian lamang niya ay ang 60 square meter na lupa sa Francisco Homes na inutang pa niya sa GSIS ang pinambili, nakatirik na bungalow na hindi pinturado, dalawang Barong Tagalog at salamin sa mata. Ilang araw bago siya namatay, siya ang itinuring na pinakamahirap na kongresista.
Wala na ang taong nakipaglaban at nagtanggol sa mga kapwa anak-pawis subalit hindi malilimutan ang kanyang pangalan. Laging sasambit-sambitin ang kanyang makinang na pangalan lalo sa mga sandaling ang mga maliliit na manggagawa ay inaapi at pinahihirapan.
- Latest
- Trending