^

PSN Opinyon

Nagkasunog dahil sa kapabayaan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

ANG kasong ito ay tungkol sa sunog na nakasira sa ilang bahagi ng gusali ng BDI. Ang pinagmulan ng apoy ay ang bodega sa ikatlong palapag. Sakop ito ng CAPP, isang kompanyang umuupa sa ikalawa at ikatlong palapag. Nang humingi ng imbestigasyon ang CAPP, napag-alaman ng imbestigador ng Bureau of Fire Protection na ang pinagmulan ng apoy ay ang nasunog na coffee percolator. Malinaw na nakasulat sa metal na bahagi nito na hindi ito dapat gamitin kung walang laman, indikasyon na umiinit ang nasabing aparato. Ginamit ng CAPP ang resulta ng imbestigasyon upang makakuha ng insurance.

Sa parte naman ng BDI, ginamit din ng kompanya ang nasabing resulta upang palayasin sa nasunog na gusali ang CAPP at upang pagbayarin ang huli ng danyos na umaabot sa P1.5 milyon. Umalis nga ang CAPP sa gusali ngunit hindi nito binayaran ang halagang hinihingi. Ang ginawa ng BDI, tinaasan pa at ginawang P2 milyon ang sinisingil na danyos. Hindi naman daw pinaaalis sa ikalawang palapag ang CAPP kaya’t dapat pa rin nitong bayaran ang renta sa gusali. Walang nangyari sa hinihingi ng BDI. Ayon sa CAPP, ang sunog ay isang pangyayaring hindi inaasahan at hindi maiiwasan, o ang tinatawag  nating “fortuitous event”.

Hindi tinanggap ng BDI ang argumentong ito. Nag­sampa ng kaso ang BDI laban sa CAPP. Pinaboran ng korte ang BDI. Ang naging basehan ng desisyon ay ang ulat ng imbestigador. May testimonya at patunay din na ginawa ang isang bumbero kahit wala naman siyang naging partisipasyon sa pag-apula ng sunog. Kinuwestiyon ng CAPP ang naging desisyon ng korte. Ayon sa kom­panya, ang ulat, sertipikasyon at testimonya ng bumbero ay hindi maaaring gamiting ebidensiya dahil walang na-ging partisipasyon ang bumbero. Hindi naman daw nila    napatu­nayan na ang coffee percolator ang naging sanhi ng sunog. Tama ba ang kompanya?

Mali. Ayon sa batas (Art. 1667 Civil Code), nag­ka­karoon ng sapantaha na ang umupa ang may kasa­lanan sa pagkawala o pag­kasira ng bagay na inu­upahan. Upang mawala ang nasabing sapantaha, dapat na patunayan ng umupa na ang sanhi ng pagkawala o pagkasira ay isang bagay   na di-inaasahan (fortuitous event). Dapat na hindi ito kasalanan/kapabayaan ng umuupa. Kung sakali na­man at nagkasabay ang   ka­pabayaan at ang fortuitous event, hindi pa rin sapat ang huli upang ma­pawi ang pagkakamaling nagawa.

Sa kasong ito, ang kapa­bayaan ng CAPP ang pi­nag­mulan ng sunog na nakasira sa inuupahang unit. Kahit wala ang testi­monya ng bumbero at ang mga ulat na kanyang gina­wa, malinaw pa rin na na­patunayan ang pagkuku­lang ng CAPP. Ito ang tina­tawag sa batas na “res ipsa loquitor”, ang ibig sabihin kitang-kita ang ebidensiya dahil ang bagay na sangkot ang mismong nagpapa­tunay nito. Ang mga ele­mento nito ay: 1.) mayroong aksidenteng naganap na hindi normal na nangyayari maliban na lamang kung may nagpabaya; 2.) ang sanhi ng disgrasya/pagka­sira ay nasa esklusibong kontrol ng taong namama­hala, at 3.) ang sira o sakit na tinamo ay hindi kusang loob/ hindi ginusto ng taong nadisgrasya.

Ang sunog na nakasira sa gusali ng BDI ay hindi normal na nangyayari kun-di produkto ng pagkaka-mali ng tao. Ang sunog       ay nagmula sa bodegang nasa kustodiya at pama­mahala ng CAPP. Walang kinalaman ang BDI sa  nang­yari. Ang CAPP ang mas na­kaaalam sa pinagmulan ng sunog. Dahil wala na­man ang BDI sa posisyon upang alamin ang tunay    na nang­yari, umaasa la­mang sila sa naging resulta ng imbesti­gasyon. Tama lamang na sisihin nila ang CAPP at humingi ng dan­yos. Walang matibay na ebidensiyang naipakita   ang CAPP kaya’t hindi ma­papasubalian na “res ipso loquitur” ang ma­mamayani sa kaso.      

Sa mga kasong tulad nito na hindi naman nasu­sukat ang tinamong ka­walan, pinapayagan ng batas ang pagbabayad ng danyos ayon na rin sa dikta ng korte. Dahil hindi naman napatunayan ng BDI kung magkano talaga ang hala-ga ng nasira, tama lamang ang danyos na P500,000.

Dapat ding bayaran ng CAPP ang renta ng gusali hanggang sa itinakdang petsa ng pagtatapos ng kontrata. (College Assurance Plan etc. vs. Belfranlt Development Inc., G.R. 155604, November 22, 2007).

AYON

BDI

CAPP

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with