Sporting news
KAGANDANG eksenang bumulaga sa bansa nitong Lunes. Suot ang red, white, yellow and blue colors ng bansa, nilampaso nina Jennifer Rosales at Dorothy Delasin ang pinakamalalakas na koponan sa mundo sa World Cup of Women’s Golf. Matagal nang beterana sina Rosales at Delasin sa mga professional tournament sa Amerika. At tuwing naglalaro sila doon, sa bawat panalo o magandang laro ay dala nila ang pangalan at pag-asa ng bansa. Pero iba ang World Cup dahil hindi pampersonal na tropeo ang pinaglaban. Dito sila’y mga kinatawan ng Pilipinas –— National Team ‘ika nga at karangalan para sa bansa ang kanilang tagumpay. Sina Jennifer at Dorothy ay mga batang batang atleta —– maagang nag-umpisa at, dala ng pagpursigi, agad kinilala ang kanilang natatanging husay na nagpuwesto sa kanila sa piling mismo ng pinakamagagaling na manlalaro sa mundo. Kakaibang inspirasyon sa ating mga kabataan. Sa katunayan ay may napakalakas na grupo ngayon ng mga batang golfer na magdadala pihado ng mas malalaking karangalan sa kinabukasan. Ang kanilang idolo? Sina Jenny at Dorothy!
Tulad na lang ng sigla na dulot nina Wesley So at Jayson Gonzales sa mundo ng Philippine Chess. Sina So at Gonzales ang pinakabagong mga Grandmaster ng Pilipinas. Ang batambatang si Wesley So ay nakamit ang titulo noong Disyembre. Sa edad 14, siya ang pinakabatang Pinoy Grandmaster at 7th youngest sa mundo. Si Gonzales naman ay naging pangsiyam nating Grandmaster nitong Enero lamang. Sinundan nila ang mga tanyag na pangalang Eugene Torre (1974), ang nasirang Rosendo Balinas (1976), Rogelio Antonio Jr. (1998), Bong Villamayor (2000), Nelson Mariano (2004), Mark Paragua (2005), at Darwin Laylo (2007). Tulad nina Rosales at Delasin, napakagandang halimbawa nina So at Gonzales sa ating kabataan. Nakapila na ang mga Pinoy Grandmaster Candidate na kaunting mga panalo na lang sa international na laban ang iniintay upang mapasama na rin sa bilang ng mga Grandmaster.
Ang sport ng Golf at Chess ay mga larangang tradisyonal na pinangungunahan ng mga Amerikano at taga-Europa o ang mga pinakamayayamang bansa. Kung mayaman sila sa pera, mas mayaman naman ang Pilipinas sa likas na kagalingan.
- Latest
- Trending