Batas na pabor sa kriminal
LAMAN ng halos lahat ng pahayagan ang pagpigil sa pagpapalaya kay dating Congressman Romeo Jalosjos na nahatulang manggagahasa ng isang menor de edad noong 1997. Dalawang habambuhay na pagkabilanggo ang sentensiya ni Jalosjos. Pero noong nakaraang Abril, binawasan ni President Arroyo ang kanyang sentensiya at ginawang 16 na taon na lang. Dito pa lang sa desisyon na ito ng Presidente, marami na ang umalma, lalo na’t tila hindi nagpapakita ng pagsisisi si Jalosjos sa kanyang ginawa, at ni hindi pa humihingi ng patawad sa kanyang biktima. Isama na rin na hindi pa binabayaran ni Jalosjos ang danyos na inatasan ng hukuman para sa biktima. Sa madaling salita, Wala pang nagagawang pagbabago sa pagkatao ni Jalosjos ang mga taon na siya’y nakabilanggo. Tapos palalayain na siya? Masyado yatang pabor sa kanya ang batas, at hindi sa biktima!
Ang napansin ko pa, nagselebra na ang mga kababayan ni Jalosjos nang mabalitaang malaya na siya. Mistulang piyesta ang bayan ng Dapitan, Zamboanga Del Norte nang kumalat ang balita, may mga paputok pa! Hindi ba nila naiisip ang krimen na ginawa ng taong ito? Menor de edad ang biniktima niya, at para saan?
Ilan na rin ang kontrobersyal na binigyan ng kapata-waran ng Presidente ngayong taon na ito. Nandyan ang umano’y bumaril kay Ninoy, nandyan si Erap na parehong nagpahayag na wala silang kasalanan. Si Jalosjos wala pang sinasabi na kahit ano. Ang mahalaga lang sa kanya ay makalaya na. Dapat lang na hindi pa palayain ang taong ito. Pag-aralan munang mabuti at maglagay ng mga kondisyon bago palayain. Isa na rito ang pagbabayad ng danyos sa biktima, at publikong paghingi ng kapatawaran. Walang nagawang pagbabago ang 10 taong pagkakabilanggo ni Jalosjos kaya dapat sigurong doble o triplehin pa!
- Latest
- Trending