^

PSN Opinyon

‘Akin ang unang kanta’

- Tony Calvento -

Nakahiligan na ng mga Pilipino ang pagkanta sa videoke lalo na kapag may handaan. Unahan sa pagpili ng kanta, agawan sa mikropono at walang gustong magpatalo, lalo na’t kasabay ng pagkanta ay inuman.

Ganito ang kwentong inilapit sa aming tanggapan ni Aurea Pineda ng Mangay, Inarawan, Antipolo City na nangyari sa kanyang asawa na nag-ugat sa videoke.

August 28, 2007, bandang alas-10:00 ng umaga, nagpaalam si Manuel kay Aurea na pupunta sa kapitbahay. Birthday ng kumpare nila kaya magpapainom ito sa kanila. Maya-maya ay dumating ang kaibigan niyang si Darwin Racho. Inaaya niya itong pumunta sa isa pang kalapit na bahay na kung saan may nag-iinuman din. Sumama si Manuel kay Darwin at ilan na lang ang dinatnan nila. Ang naunang kainuman ni Darwin ay pumunta naman sa nag-birthday na pinsan ng isa pa nilang kaibigan na si Bong Chavez sa kabilang bayan.

Bandang tanghali nang daanan ni Aurea ang asawa para kumain sa kanilang bahay. Pagkauwi ay inakala ni Aurea na makakapagpahinga na ang asawa tulad ng mungkahi niya. Ngunit hindi nagtagal ay dumating ang pinsan nito na si Dune kasama si Darwin. Nagkuwentuhan ang tatlo sa bakuran nila. Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay tumawag si Bong at pina­pasunod sila sa handaan ng kanyang pinsan.

“Ayoko siyang payagan nang magpaalam siya sa akin. Madalas ko kasing mabalitaan na medyo takaw-gulo si Darwin at Bong. Wala namang problema kung hindi sana inuman ang pupuntahan nila. Ayoko lang mapasubo ang asawa ko,” kuwento ni Aurea.

Upang hindi makaalis ang asawa ay itinago ni Aurea ang mga panlakad na damit nito. Ngunit sa kabila nito ay tumuloy pa rin si Manuel na nakapangbahay kasama si Darwin sa bahay ng pinsan ni Bong sa Colorado St., Hinapao, Brgy. San Isidro, Antipolo City. Wala nang nagawa si Aurea kung hindi ang hintayin na lang ang pag-uwi ng asawa.

Bandang alas-6:00 ng hapon, habang nanonood si Aurea ng telebisyon ay tinawag siya ng kapitbahay sa labas. Sa gitna ng ingay ng mga sasakyan at tao sa labas ay tumatak sa kanya ang sinabi ng kapitbahay. “Napa-trouble si Manuel. Wala daw siyang malay sa hospital.”

Hindi na nagsayang ng oras si Aurea at agad na pinuntahan ang asawa sa Unciano Hospital. Nadatnan niya ang asawa sa holding area ng pagamutan. Alam niya ang ibig sabihin kapag ang pasyente ay inilagay na sa lugar na iyon. Nanginginig siyang lumapit sa asawa na kasalukuyang balot ng puting kumot na puno ng dugo.

Halos mawalan siya ng malay nang makita ang histura ng asawa. Tadtad ng saksak at taga ang katawan at mukha ni Ma­nuel. Hindi niya napigilang humagulgol nang sabihin ng doktor na sa mahigit sampung (10) saksak at taga na natamo nito ay hindi na umabot nang buhay ang kanyang asawa. Matagal niyang tini­tigan ang nakadilat na mata ng asawa ngunit hindi na gumagalaw ang itim sa mata nito. Dahan-dahan niyang ipinikit ang nakatitig sa kawalan na mata ng asawa.

Ayon sa kuwento ni Darwin ay pasado alas-4:00 ng hapon sila dumating sa inuman. Maliban sa inuman ay nagkakasiyahan ang mga bisita sa pagkanta sa videoke. Pumili ng tatlong kanta si Manuel subalit pinabura umano ito ng isang bisita na nag­ngangalang Bayani Hantic. Pagkabura ay pumili din ng kanta si Bayani.

Dahil naasar si Manuel ay pinabura niya ang mga kanta na napili ni Bayani. Umangal si Bayani sabay sabi nitong “kung magbubura ng kanta ay magpasabi dahil may kakanta.” Sumunod ang mainit na pagtatalo ng dalawa. Tumigil lamang ang dalawa nang may nagsabing “tama na, inuman na lang tayo.” Natapos ang sagutan ng dalawa at bumalik na din sa kani-kanilang mesa at itinuloy ang inuman.

Dahil sa nangyari ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mag taga-Hinapao at mga dayo sa lugar na iyon. Hindi nagtagal ay nagpasya na ang grupo nina Manuel na umuwi na para makaiwas sa gulo. Nauna nang naglakad si Darwin at iba pa nilang kasamahan. Si Manuel naman ay naiwan muna sa isang tabi dahil sa tawag ng kalikasan. Habang nakatalikod ito ay biglang sumugod si Bayani kasama ang dalawa nitong anak na sina Alvin at Erwin.

Dala-dala nila ang tig-iisang kutsilyo at inundayan nila ng saksak ang nakatalikod na si Manuel. Sa bilis ng mga pangyayari ay hindi na napigilan ng mga kasamahan ni Darwin ang tatlo. Nagtangkang tumulong ang isa sa mga bisita na si Luis Banan ngunit ito din ay sinaksak ng mag-aama.

Dagdag ni Darwin na pinagbabato pa daw sila ng iba pang taga-Hinapao. Tumigil na lang ng pambabato nang may narinig silang umalingawngaw na putok ng baril. Sa pagkakataong iyon ay mabilis nilang hinila ang dalawang duguan at isinakay sa dala nilang elf.

Agad na rumesponde ang mga pulis mula sa Antipolo Police Station ngunit hindi na nahuli ang mag-aamang Haltic pagkatapos ng nangyaring saksakan. Maliban kay Manuel ay namatay din si Luis kung kaya’t sinampahan ng Double Homicide ang tatlo sa opisina ni Fiscal Lorna Lee ng Antipolo Prosecutor’s Office.

Sa ganang akin, batay sa mga sinumpaang salaysay ni Darwin at ang police report, posibleng ma-upgrade ang kaso sa Murder. Isang masusing pag-aaral ang makikita ng mga elemento ng treachery sa pagsaksak ng mag-aama habang nakatalikod ang biktima na kung saan nawalan ng pagkakataong idepensa nito ang sarili. Isa ding punto ay ang pagkatigil sa tinatawag na aggression nang bumalik na sa mesa ang dalawa pagkatapos ng kanilang sagutan. Sa oras na iyon hanggang sa pag-uwi ng biktima ay sapat ng panahon iyon upang magkaroon ng tinatawag na pre-meditation para pag-isipan ang isang krimen.

Isa rin ang nasisiguro ko na ma-eevaluate naman ng mabuti ng Prosecution office ng Antipolo ang mga bagay na ito lalu na’t nandyan ang isang Provincial Prosecutor na magaling at maayos sa kanilang mga resolutions. Tututukan din natin ang kasong ito.

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

 Email address: [email protected]

ASAWA

AUREA

DARWIN

MANUEL

NANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with