EDITORYAL — Boksing ang dapat gastusan ng government
IPINATIGIL na naman ni boxing hero Manny Pacquiao ang paglalaban ng mga sundalo at rebelde noong Linggo, pinaluwag din ang trapiko, pinagpahinga ng kalahating araw ang mga Pinoy na sawang-sawa na sa mga scandals. Paano pa kaya kung maraming Manny Pacquiao ang magbigay ng ganito sa Pilipinas, e di mas marami ang masisiyahan at maaaring masum pungan ang pagkakaisa. Posible di ba?
Ang boksing lamang ang nakagagawa ng ganito. Hindi ito nagawa minsan man ng basketball na isa pa ring sport na kinalolokohan ng mga Pinoy. Maraming laban ni Pacquiao ang nakapagbigay ng kasiyahan sa mga Pinoy at naiwasan ang mga conflict kahit ilang oras man lang. Iba talaga ang boksing na maaaaring patigilin ang galaw ng mundo.
Nakikilala na ang Pilipinas dahil kay Pacquiao. Hindi maitatanggi sapagkat maraming dayuhan ang nanood sa Mandalay Bay Resort sa Las Vegas kung saan ginanap ang laban ni Pacquiao at Marco Antonio Barrera. Umapaw ang tao para saksihan ang laban ng Pinoy at hindi sila nabigo sapagkat nagbigay ng kasiyahan ang engkuwentro. Kahit na walang natulog sa labang iyon, kitang-kita naman ang grabeng pukpukan. Nanalo sa puntos si Pacquiao.
Gaya nang madalas na ginagawa ni President Arroyo tuwing mananalo si Pacquiao, binati agad niya ito. Sabi ni Mrs. Arroyo makaraang mapanood ang telecast sa Malacañang, “Ang ating pambansang kamao ay isang regalo sa mundo ng boksing. Minsan na naman niyang pinasaya at pinagkaisa ang nasyon...”
Hindi lamang si Pacquiao ang naghatid ng karangalan sa bansa kundi pati na rin ang Pinoy boxer na si Michael Farinas na pinatulog sa unang round ang kalabang Mexicano. May ibubuga ang boksingero na kung mabibigyan ng suporta ay maaaring sumunod sa yapak ni Pacquiao. Sayang kung hindi siya mabibigyan ng pagkakataon
Maganda naman sanang marinig kay Mrs. Arroyo ay ang pagbibigay niya ng direktiba para paunlarin pa ang mundo ng boksing para sa mga batang boksingero. Gaya nga ng nasabi niya na isang regalo si Pacquiao sa mundo ng boksing, maaaring hindi lamang si Pacquiao ang maghatid ng karangalan sa bansa kundi marami pa. Bakit hindi niya ipag-utos ang pagbibigay ng malaking pondo para makatuklas pa nang maraming Pacquiao. Ang sport na ito ang nagdudulot ng kinang sa bansa at hindi ang basketball o kung ano pa mang sport. Mas dapat gastusan at tutukan nang todong atensiyon ang boksing. Magpagawa ng isang esklusibong gym kung saan ay maaaring makapagsanay ang mga kabataang mahilig sa boksing. Libre ang pagsasanay para mahikayat ang mga kabataang may ibubuga sa boksing. Sa sport na ito aangat ang Pilipinas.
- Latest
- Trending