VACC na ang kalaban mo Manuel Abelardo!
NATATANDAAN n’yo ba mga suki ang taxi driver na si Benjie Masongsong na binugbog ng contractor na si Manuel Abelardo? Ang kasong physical injuries na isinampa ni Masongsong laban kay Abelardo ay tuloy pa rin. Katunayan may hearing ang kaso sa Oct. 23 sa Branch 65 ng Makati RTC. Kaya ko naman naalala si Masongsong mga suki ay dahil sa nasagap kong balita na umanib pala siya sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC). Kaya naman tumakbo sa VACC si Masongsong ay para sa kanyang sariling safety at protection din. Alam ni Masongsong na siya ay hamak na taxi driver lamang at walang laban sa makuwarta at maimpluwensiya na si Abelardo kaya’t sa VACC sa tingin niya ligtas ang buhay niya, he-he-he! Kanya-kanyang pakulo lang ’yan, di ba mga suki?
Kung sabagay, halos anim na buwan na hindi nakapag trabaho si Masongsong bunga sa insidente. Kung saan-saan lang lumapit si Masongsong para magkaroon ng konting kita at masuportahan lang ang pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya. Subalit nang nasa VACC na siya, nagkaroon na ng peace of mind si Masongsong at makapagtrabaho na siya. Mayroon na kasing kakalinga sa kanya at higit sa lahat may kakampi na siya kung ang kaso niya ang pag-uusapan. Abot n’yo naman siguro mga suki na ang VACC ay parang tuko kung kumapit at magprotekta sa kani-kanilang mga miyembro. Hindi ko na iisa-isahin ang mga tinulungan ng VACC na mga crime victims bunga sa sobrang haba ng listahan nila. Kaya ang payo ko rito kay Abelardo, ’wag niyang gagalawin si Masongsong dahil makakatagpo siya ng katapat sa katauhan ng VACC, di ba mga suki?
Si Abelardo ay nagpapakilalang kamag-anak ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon at kapwa sila taga-Nueva Ecija. Kaya’t ang mga pulis ay hindi kinakatalo ni Abelardo dahil palagi nitong nini-name-drop si Calderon. Sa pagkaalam ko, nag-utos ng imbestigasyon si Calderon laban kay Abelardo pero wala na akong balita kung umusad ang kaso. Kung sabagay, si Calderon ay magreretiro na bukas kaya naniniwala akong wala ring kalalabasan ang imbestigasyon na iniutos niya. Sa pagretiro kaya ni Calderon, eh magdahan-dahan o lalamig na rin ang ulo ni Abelardo at hindi na masasangkot sa mga kaso tulad ng kay Masongsong? Tiyak ’yon da hil may kalalagyan siya sa mga pulis, di ba mga suki? He-he-he! Magkakaroon din ng katapusan ang pagmamalabis ni Abelardo sa kapwa niya.
Sa pagkaalam ko hindi lang ang kaso ni Masongsong ang hinaharap ni Abelardo kundi marami pa kabilang na rito ang isinampa ng asawa niya. Kaya’t kung noong panahon ni Calderon masaya si Abelardo, sa ti-ngin ko sa pagretiro ng kamag-anak niya maba-bago na ang pag-uugali niya, di ba mga suki?
Abangan!
- Latest
- Trending