Madam GMA, sibakin mo na si PCSO chairman Sergio Valencia!
MAY balak pala si Zambales Gov. Amor Deloso na itago rin sa small-town lottery (STL) ang jueteng operations ng bata niya na si Peping Bildan. Kaya sa susunod na mga araw, magpupulong ang provincial board ng Zambales para ipasa ang batas na magsusulong ng STL sa probinsiya ni Deloso. Kapag nagkataon, madadagdagan na naman sa sakit ng ulo ni PCSO chairman Sergio Valencia. At tiyak, bunga sa milyon na mawawala sa kaban ng PCSO, kukupas nang tuluyan ang naturang ahensiya, di ba mga suki?
Kaya dapat sibakin na ni President Arroyo si Valencia dahil hindi ang kapakanan ng gobyerno ang nasa isip niya kundi ang bulsa ng mga jueteng lords. At siyempre, isama na rin ni GMA sa sibakan blues sina Romualdo Quinones, ang project officer ni Valencia at ang general manager at Vice chairman na si Rosario Uriarte at mga directors na sina Victor Domingo, Teresita Gonzales at Manuel Morato. He-he-he! Mga inutil sila sa modus operandi ng mga jueteng lord. Di ba mga suki?
Itong si Peping Bildan at alyas Don Juan ang nagpapatakbo sa ngayon ng jueteng sa probinsiya ni Deloso na muling naupo sa puwesto matapos ang termino ni dating Gov. Vic Magsaysay. Itong si Peping Bildan ay dating tsokaran ng anak ni Magsaysay na si JV Magsaysay sa jueteng niya subalit mabilis lumipat sa kampo ni Deloso. Naghudas kaya si Peping Bildan sa kampo ni Magsaysay? Malaki ang posibilidad, di ba mga suki? Siyempre, kung nakikinabang si Gov. Deloso sa jueteng nina Peping Bildan at Don Juan, tiyak ganoon din si Chief Supt. Ismael Rafanan, ang hepe ng PNP sa Central Luzon at ang intelligence chief niya na si Sr. Supt. Agbayalde. Bunga sa palaging nakikita sa opisina nina Rafanan at Agbayalde si Peping Bildan dahil personal niya mismong pinangangasiwaan ang pag-abot ng lingguhang intelihensiya niya. He-he-he! Walang tiwala sa kapwa si Peping Bildan, no mga suki?
Kaya siguro naisip ni Deloso na itago sa STL ang jueteng operations ni Peping Bildan para hindi madawit pa ang pangalan niya. Kapag STL na kuno ang operationi ni Peping Bildan, tiyak tulad ng iba pang financier nito mahigit kalahati ang ibo-bookies niya. At bakit pinapayagan ni Valencia ang ganitong sistema ng mga jueteng lords kung wala ring pakinabang siya sa mga ito? Kaya titiyakin ko, kukupas talaga ang PCSO sa liderato ni Valencia, Ma’m GMA! At higit sa lahat, hindi na masusuportahan ng PCSO ang mga proyekto ni GMA nga na taliwas naman sa ibinabando nila sa TV ad nila.
Kung sabagay, binabantayang maigi ng mga jueteng lords na sina Leony Lim ng Sorsogon, Jess Lao ng Camarines Norte, Danny Soriano ng Cagayan, Nora de Leon ng Batangas, Tony Ong ng Nueva Viscaya at Sonny Chua ng Nueva Ecija itong STL operations ng PCSO nga. At hindi tayo magtataka kung pati sila ay mag-STL na rin bunga sa inutil na liderato ni Valencia. Abangan!
- Latest
- Trending