‘Usapang Media’
BINABATI ko ang “Usapang Media” radio segment ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ni Ka Ricky Lee ng programang “Ano Ba’ng Atin Kabayan?” sa istasyong DWAD 1098 kHz na napapakinggan tuwing Lunes, 3:30-4:00 p.m.
Ito ay proyekto nina NUJP chairman Joe Torres Jr., vice chairman Sonny Fernandez at ni Ka Ricky, at nagtataguyod ng kapakanan, mga karapatan at propesyonalismo ng mga mamamahayag.
Sa pamamagitan ng naturang radio segment ay isinusulong nila ang “ethical journalism” o matapat, matuwid at pangserbisyo-publikong pamamahayag, gayundin ang kabuuang pagpapaunlad ng propesyong ito, kabilang na ang kalayaan at responsibilidad nito.
Tinatalakay din nila at hinahanapan ng solusyon ang mga problema ng mamamahayag laluna sa ating bansa, tulad ng media killings, harassment, libelo at iba pang kaso, mababang suweldo, hindi gaanong matatag na hanapbuhay at kakulangan ng benepisyo.
Bukod dito, ipinauunawa nila sa mamamayan ang gawaing pamamahayag, ano ang misyon nito at paano ito nakakatuwang ng sambayanan.
Ang aking panganay na anak na si Senate president pro tempore Jinggoy Estrada ay nagtataguyod din ng kagalingan at pag-unlad ng sektor ng media, at mayroon siyang mga panukalang batas para dito, tulad ng:
1. Magna Carta for Journalists na naglalayong isabatas ang nararapat na pagkilala ng gobyerno at ng kabuuang lipunan sa mga karapatan ng mga mamamahayag.
2. Deskriminalisasyon ng kasong libelo para hindi na sila basta-basta ipinapakulong ng mga maimpluwensyang tao na ibinubunyag nila ang katiwalian.
3. Pagpataw ng mabigat na parusa sa mga nangha-harass ng media.
4. Pagrespeto sa tinatawag na “confidentiality of sources” ng mga sensitibong impormasyon ng balita.
5. Pagbabawal sa gobyerno na mag-espiya o maniktik sa kanilang gawain.
Tulad ng “Usapang Media” radio segment ng NUJP at DWAD sa pamamagitan nina Joe, Sonny at Ka Ri-cky, layon din ni Jinggoy na makatulong na tugunan ang mga pangangailangan ng journalists at ng kabuu- ang propesyon ng pamamahayag tungo sa malayang pagganap nila ng tungkulin para sa publiko at lipunan.
* * *
Para sa mga suhestiyon o komento, mag-email sa doktora_ng_masa@
- Latest
- Trending