Good news sa PNP, bad news sa AFP
NAKAKATUWANG makatanggap ng liham tungkol sa epekto ng kolum na ito. Pinuntirya ko nu’ng July 13 ang modus operandi ng mga kriminal sa gilid ng Stud Farm sa likod ng UP-Diliman, Quezon City. Binabato ang dumadaang kotse at ninanakawan ang sakay kapag huminto. “Trabaho naman,” kako sa UP Police at QC Police detachment sa Anonas district.
Tumugon si QC police chief Sr. Supt. Magtanggol Gat dula. Umangal din pala sa kanya si Mayor Sonny Belmonte sa mga pananakit at nakawan sa purok. Inatasan ni Gatdula si Supt. Oscar Palisoc, Anonas station head, na tugisin ang sindikato. Aba’y siyam na gangsters ang nahuli at hinabla. Pinag-ibayo rin ang barangay at UP police patrol sa purok. Wala nang pambabato at holdapan doon.
* * *
Ngayon naman sa isang ospital ng Armed Forces of the Philippines. Tatlong mataas na opisyales ang pinag pilian bilang kapalit ng nag-retire na hepe. Una ang colonel na may kasong immorality dahil may asawa pero kinasintahan ang isang subordinate na section chief. Ikalawa ang colonel na maraming kasong anomalya. Ikatlo ay babaing colonel na malinis sana kaya lang ay may broken record of service dahil nag-Saudi siya minsan nang mabuwisit na na-carnap ang kotse dalawang beses sa dalawang taon sa loob ng hospital compound. Hulaan kung sino ang nahirang na bagong hepe.
Sirit? Siyempre, sa ilalim ng palpak at buktot na administrasyon, ang aasenso ay ang loko. Itinalagang bagong boss ng AFP hospital ang may kasong imoralidad, at deputy niya ang sapin-sapin ang korapsiyon. Nangulelat ang babae dahil sa broken record, hindi sa integridad.
Heto ngayon ang siste. Sa America, sinibak ang dalawang pinaka-mataas na opisyales ng Medical Corps — parehong heneral — dahil sa anomalyang pagpapabaya sa mga pasyenteng beterano. Dito sa Pilipinas, ang dudumi ng AFP hospitals, kulang sa gamot at gamit, at maraming pabayang staff. Pero pino-promote pa ang mga kawatan. Saklap!
- Latest
- Trending