EDITORYAL Pag-asa, pag-asa at pag-asa ang nakikita
January 1, 2007 | 12:00am
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 91 percent ng mga Pinoy ay sasalubungin ang 2007 ng may buong-buong pag-asa. Sa halip na pagkatakot ang pananaigin sa pagpasok ng 2007, ang pag-asang magiging maganda ang kanilang buhay ang ninanais.
Ang survey ay ginawa noong November 24 hanggang 29.
Sa Visayas ang may pinakamataas na pag-asang minimithi sa pagpasok ng 2007 93 percent. Sumunod ang Luzon, 92 percent; Mindanao, 90 percent at Metro Manila, 87 percent.
Ang katatapos na taon ang itinuturing na pinakamaraming kalamidad at trahedya na nangyari. Sunud-sunod ang mga malalakas na bagyong tumama sa Pilipinas. Unang malakas na bagyo na tumama sa Maynila, Laguna, Quezon ay ang "Milenyo" na nagdulot ng malaking pinsala at may namatay. Maraming punungkahoy ang natumba at ang mga billboard ay winasak. Sumunod na tumama ang bagyong "Reming" na nanalasa sa Bicol Region at ibang probinsiya sa Southern Tagalog. Maraming namatay sa Bicol nang umagos ang putik at bato mula sa paanan ng Mayon Volcano. Maraming bahay ang nalubog sa putik at nalibing nang buhay ang mga residente. Nawala sa mapa ang maraming barangay sa paanan ng Mayon. Hindi akalain ng mga residente na sa isang iglap ang kanilang bahay ang pinagkukunan ng ikabubuhay ay mawawalang parang bula. Mas mahirap tanggapin na ang kanilang mahal sa buhay ay nalibing nang buhay.
Noong Pasko, 25 katao ang namatay nang isang sunog ang maganap sa isang malaking tindahan sa Ormoc, Leyte. Nakulong sa building ang mga biktima sapagkat ang mga fire exit ay nakakandado. Marami ang hindi makapaniwala na magiging malagim ang Paskong iyon.
Maraming kalamidad at trahedya ang sumagasa sa lahing Pinoy subalit sa kabila nito, nananatili ang pag-asa sa kanilang puso. At ngayong 2007, nakatanaw pa sila sa mas mataas pang pag-asa na mababago ang takbo ng buhay.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended














