^

PSN Opinyon

‘Dalawang trahedya ni Aileen’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
Part I
LUBHANG NAPAKASAKIT ang mawalan ng kapuso, kapamilya at kasama sa buhay. Parang isang malaking bahagi ng iyong katawan ang hinugot na nag-iwan ng butas na kailanman ay hindi mapupunan.

Ang mawalan ng asawa ay mahirap isipin kung paano tayo makaka-recover sa pangyayaring ito. Narito ang kakaibang istorya ni Aileen Victorino ng siya ay magpunta sa aming tanggapan upang idulog ang kanyang problema.

Masayang pamilya ang mga Victorino. Biniyayaan ang mag-asawang Aileen at Reynante ng limang anak.

Si Reynante ay abala sa pagpapasada ng kanilang jeep. Bukod naman dito ay purok leader din ito sa kanilang lugar sa dati nilang tirahan sa Brgy. Culiat, Quezon City habang ang kanilang presidente ay si Nelsie Cañete.

Bilang opisyal ng nasabing barangay, sila ang nangangasiwa sa katahimikan at kaayusan ng lugar. Pinangangalagaan din ng mga ito ang kapaligiran at kaligtasan ng mga residente.

Ang suspek na si Arnold Fausto ay isa sa mga residenteng nagtayo ng bahay. Nais nitong dugtungan ang kinatititrikan ng bahay nito subalit tutol ang kanilang presidente dito.

Ika-8 ng Agosto 2003 bandang alas-9:30 ng umaga ng maganap ang insidente sa Tatalon Munti, Central Avenue, Brgy. Culiat, Quezon City. Dumating noon ang mga empleyado mula sa Quezon City Hall upang dalhin ang notice para sa suspek na si Arnold Fausto. Binigyan ng babala ang suspek na hindi niya maaring dugtungan pa ang kanyang bahay.

Ayon kay Aileen, hindi pinayagan ng presidente ng asosasyon na si Nelsie ang suspek na dugtungan pa ang bahay nito kaya naman dinala na nila ang usaping ito sa tanggapan ng Quezon City Hall. Dahil dito, nagalit ang suspek sa kanilang presidente.

Samantala nagkataon namang coding noon ang pinapasadang jeep ni Reynante. Nang dumating ang mga empleyado ng city hall, si Reynante ang napagtanungan kung saan ang bahay ng suspek.

"Itinuro naman ng asawa ko kung saan ang bahay nito at pagkatapos ay ibinigay na ng mga taga-city hall ang summons. Umalis na rin noon ang mga ito kasabay ang asawa na bumalik noon sa tindahan," kuwento ni Aileen.

Ang hindi alam ni Reynante na matapos ibigay sa suspek ang nasabing notice ay sinundan na siya nito. Habang nakatayo ang biktima tinawag ito ng suspek at pagkatapos ay walang-sabing binaril na lamang ito. Tumumba na ang biktima habang nakataas pa ang mga kamay nito at nagmamakaawa sa suspek. Subalit hindi pa nasiyahan si Arnold sa kanyang ginawa ay muli pa nitong binaril ang biktima sa ulo. Matapos ang ginawang pamamaril ay mabilis na umalis ang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nakita naman ng kapatid ni Reynante, si Patricio Victorino nang tumumba ito. Agad nitong sinabihan ang isa pang kapatid, si Roberto Victorino na kumuha ng tricycle upang madala sa ospital. Subalit habang nasa daan at nag-aabang ng masasakyan si Roberto ay ito naman ang pinuntirya ng suspek.

"Nang makita ni Roberto si Arnold sinabihan naman nito na bakit niya binaril ang kuya niya. Hindi na nagpaliwanag pa ang suspek at ang bayaw ko naman ang binaril nito at sinabing ‘Isa ka pa!’ kung saan tinamaan ito sa bandang mata," salaysay ni Aileen.

Dinala sa ospital ang magkapatid na Reynante at Roberto Victorino subalit binawian na rin ito ng buhay. Nagsampa ng kasong 2 counts of murder ang pamilya ng mga biktima laban kay Arnold. Hindi dumalo sa preliminary investigation ang suspek at tuluyan na ring nagtago.

Lumabas ang resolution at pumabor naman ito sa mga biktima. May warrant of arrest na rin laban sa suspek subalit hanggang ngayon ay malaya pa rin ito. Umaasa si Aileen na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang asawa at bayaw. Hangad niyang pagbayaran ni Arnold ang ginawa nitong krimen.

Mahirap para kay Aileen ang mawalan ng katuwang sa buhay. Mag-isa niyang tinaguyod ang kanyang anak sa kabila ng hinagpis na sinapit niya nang mamatay ang kanyang asawa. Makalipas ang ilang taon isang trahedya na naman ang sinapit ng pamilya nito.

Abangan sa Biyernes ang mga susunod na pangyayari dito lamang sa CALVENTO FILES sa PS.

Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng suspek na si Arnold Fausto maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.

Tunghayan ang aming programang "HUSTISYA PARA SA LAHAT" alas-3 hanggang alas-4 ng hapon sa DWIZ 882. Mapapakinggan ninyo ang magiting at matapang na head ng Public Attorney’s Office, si Atty. Persida Acosta.
* * *
E-mail address: [email protected]

AILEEN

ARNOLD FAUSTO

NAMAN

NITO

QUEZON CITY

REYNANTE

SUSPEK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with