^

PSN Opinyon

‘Baril at tambutso...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
BAKIT kadalasan sa mga pulis na nairereklamo ay mga bagitong pulis na ang ranggo ay mga P01, P02 at P03. Maganda sigurong higpitan ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni PNP DIR/GEN, Oscar Calderon ang pagsala sa mga pulis na gustong pumasok sa PNP.

Hindi yata sapat ang Nuero-Psycho test na kinukuha nila, dapat mas extensive ang screening sa kanila at humarap sa isang panel bago tanggapin, bigyan ng baril, tsapa at uniporme para maiwasan ang mga abusadong bagitong pulis na biglang yabang kapag nasa loob na ng kapulisan.

Inilahad sa aming tanggapan ni Larry Sugay ng San Juan Metro Manila ang kanilang reklamo hinggil sa isang pulis.

Ika-27 ng Agosto 2006 bandang alas-11 ng gabi sa F. Manalo St., San Juan niyaya mag-inuman ang biktimang si Larry ng kanyang kaibigan, si Roger Cea sa bahay pa ng isang kaibigan nilang si Silvestre Balanay. Nang makadalawang bote sila ng beer nagpasya ng umuwi ang dalawang magkaibigan.

Lumabas sina Larry at Roger sa bahay na pinag-inuman. Kinuha ang tricycle na gamit nila at ito’y inis-start ni Larry.

Sa pagpapaandar nito ng kanyang motor bigla umano pumutok ang tambutso ng tricycle. Nagbackfire na kadalasan ay dulot ng maduming spark plug o gasolinang nahaluan ng tubig.

"Papauwi na kami noon at nang start ko na ang motor biglang pumutok yung tambutso," sabi ni Larry.

Ilang sandali pa lamang ay dumating ang pulis na si PO1 Ernest Allan Bayle Olimpo. Tinutukan daw sila ng baril at pinadapa ang mga magkaibigan ayon kay Larry. Tinanong nitong si PO1 Olimpo kung sino ang nagpaputok ng baril. Napagkamalan daw nitong pulis ang tunog ng backfire ng motor at inisip na ito’y tunog ng putok ng baril.

Dumapa naman si Larry at mga kasama nito. Sinagot naman nilang na pumutok lang ang tambutso ng motor subalit ayaw maniwala ang pulis sa kanya.

Habang nakadapa naman ang tatlong magkakaibigan hinawakan umano ni PO1 Olimpo ang batok ng biktimang si Larry at nagbanta na kung sino ang tatayo ay mamamatay.

"Hindi pa nakuntento ang suspek ay tinadyakan ako ng tatlong beses. Pati rin yung kasama niya na hindi namin nakilala ang pangalan pero nalaman ko din na kapatid pala niya ito ay tumulong sa pagtadyak sa akin," salaysay ni Larry.

Sinuntok pa raw ni PO1 Olimpo ang ulo ng biktima at pagkatapos ay nagpaputok ito ng baril isang beses malapit sa kinaroroonan nila.

Dahil sa putok ng baril naglabasan ang mga tao noon at nakita ng mga ito ang nangyaring insidente. Inawat ng ilang residente ang suspek at ilang sandali pa lamang ay dumating na ang isang mobile car ng pulis San Juan.

Lumapit ang suspek sa biktima. Agad naman daw na kinausap ito at umaareglo. Magpirmahan na lamang daw sila ng amicable settlement upang matapos na ang lahat.

"Hindi naman ako pumayag sa gusto niyang mangyari at pagkatapos ay umalis na ang suspek," sabi ni Larry.

Samantala, ayon kay Larry, lumapit ang mga pulis na rumesponde sa nangyaring insidente. Upang malaman kung totoo nga ang bersyon ni Larry pina-start sa mga kasama ng biktima ang motor na dala ni Larry. Nakita, napatunayan at nasaksihan ng mga pulis na rumesponde na nagba-backfire nga ang motor ni Larry. Isang malakas na putok mula sa tambutso. Sa pangalawang pagkakataon, pumutok ang tambutso ng motor at umalingaw ang lakas ng tunog.

Hindi na pinagdudahan ng mga pulis ang storya ni Larry matapos makita ang lahat. Pinayuhan ng mga pulis sina Larry na magpa-medical examination at magsampa ng kaukulang reklamo laban sa suspek.

Isang kasong criminal at administrative case ang inihain ni Larry laban kay PO1 Ernest Allan Olimpo.

Sa puntong ito, ang tanong ko ay kung bakit hindi dinala sa himpilan ng pulis ang suspek at si Larry pati na rin ang kanilang mga kaibigan upang maimbestigahan ng mabuti ang insidente.

Simple lang naman kung tutuusin ang dapat ginawa ng mga rumespondeng pulis. May baril bang nakita sa lugar ng pinangyarihan na dala si Larry o kahit isa man lang sa kanilang mga kaibigan?

Bakit hindi hinuli ang pulis at kinasuhan ng Illegal Discharge dahil sa pagpapaputok, grave threats, physical injuries ganun maaring madetain agad si P0I Olimpo dahil kagaganap pa lamang ng insidente. Dahil ba sa kabaro nila ang taong sangkot? Ito’y maliwanag na pagbibigay sa isang "comrade-in-arms" dahil pulis ang involve sa insidente. Kung ordinaryong tao kaya hahayaan na lang nilang umalis ng ganun-ganun na lamang ang suspek?

Halatang may pinapaboran ang mga pulis ng San Juan na rumesponde sa insidenteng ito.

Ikaw naman P01 Olimpo, kabago-bago mo pa lamang sa serbisyo, Yung baril na inissue sa iyo, mga taxpayers ang gumastos dyan. Nalagyan ka lang ng tsapa at uniporme abusado ka na agad. Nakakatakot isipin kung ano ang maari mo pang gawin kapag ikaw ay mapromote at mailagay sa mas mataas na ranggo. Baka hindi lang ganito ang maging asal mo. Kahihiyan ang dulot mo sa Philippine National Police dapat sipain ka sa serbisyo ni Dir. Gen. Oscar Calderon para hindi ka na makapinsala pa ng iba.

Nais kong iparating kay P01 Olimpo na bukas ang aming tanggapan para sa iyong panig.

Para sa comments o reactions sa artikulong ito maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Bukas abangan ang iba’t ibang isyung tatalakayin sa aming programang HUSTISYA PARA SA LAHAT Sabado espesyal sa pangunguna ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez at ng inyong lingkod mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ am band.
* * *
E-mail address: [email protected]

BARIL

ISANG

LARRY

OLIMPO

PULIS

SAN JUAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with