^

PSN Opinyon

Wala ng dangal

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
SA lahat ng airport sa buong mundo pag ang hawak na passport ay Pilipinas ang hinala agad ng mga immigration officials ay may planong magtago sa bayan nila o ’di kaya’y magtrabaho ng illegal.

Sa mga malalaking shopping malls naman sa abroad pag tayong mga Pilipino ang namimili ay halos ayaw pansinin at palagay kasi nila ay walang pambili o ’di kaya’y babantayan ng husto at baka raw shoplifter.

Sa Japan at Korea naman ay hinaharang din ang ating mga kababaihan dahil karamihan daw sa nagpupunta sa kanila ay nagbebenta ng panandaliang aliw.

Sa Europe naman, basta Pinoy, mapababae o mapalalaki ay pinaghihinalaan din nilang nais pumasok para manatili sa bansa nila. Ganoon din ang sistema sa US at kahit sa Australia.

Buong mundo ho pababa nang pababa ang tingin sa atin at madagdagan pa ang pagiging pang-11 natin sa buong mundo at pangalawa sa buong Asya sa pagkakaroon ng corrupt na gobyerno.

Puwera pa ho riyan ang pagiging killling fields ng mediamen at mga abogado.

Samantala, ang dating pagiging number one natin sa Asia at pagiging top 10 sa buong mundo sa larangan ng edukasyon ay wala na rin. Katotohanan niyan, sa buong Asya, ang University of the Philippines na dati rati ay number one ay pang 40+ na ho, samantalang ang La Salle at Ateneo na dati ay nasa top 10 ay pang 70+ na rin.

Nakikikumpetensiya na rin tayo sa larangan ng kidnapping at tiyak nasa top 10 din tayo samantalang ang problema ng ilegal na droga ay matindi na rin at nasa top 10 na rin tayo sa buong mundo.

Sa larangan naman ng malnutrition ay ka-level na natin ang Bangladesh at naungusan na tayo kahit ng Vietnam at malapit na tayong lampasan ng Cambodia at dumidikit na pati ang Laos.

Sa madaling salita, magaling na tayo sa mga kapalpakan at kapangitan at lahat ng yan ay lalong nag-aalis ng ating dangal bilang mamamayan.

Kung dati tayo ay isang lahing kinikilala dahil sa husay, kisig, galing at higit sa lahat sa dangal ngayon ay kabaligtaran at kagagawan yan ng maraming taon ng pagpapabaya hindi lang ng gobyerno kung hindi ng sambayanan.

Sa marami sa atin lalo na ang mga nakatikim ng panghihiya ng mga dayuhan hindi lang sa ibang bansa kung hindi pati rito sa atin ay nais nating ibalik ang panahon kung saan tayo ay tinitingala hindi lang sa Asia kung hindi sa buong mundo.

Pero ang masakit na katotohanan, itong mga kaganapan nitong mga nakaraang araw ay malaking dagok at setback sa hangarin nating ito.

Paano natin aasahan ang respeto ng sangkatauhan kung alam ang "pandaraya" na ginawa nila Madam Senyora Donya Gloria at ni Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano at mga galamay nila.

Matindi pa nito, kesa bumitiw dahil sa delicadeza ay lalong kumapit sa posisyon at pinakikita pa sa lahat, lalo na sa mga kabataan na kahit bistadung-bistado na ay hindi dapat magsisi at tanggapin ang parusa kung hindi gumawa ng lahat ng uri ng palusot pati ang panloloko sa sambayanang Pilipino kagaya ng tape ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson.

Problema lang nito, kapalpakan ng ilan buong bansa ang nadadamay. Patuloy na bumaba ang mababa ng pagtingin sa atin ng buong mundo.

Sa ginagawa ni Madam Gloria, paano maitataas ito kung ayaw niya man lang gumawa kahit na isang sakripisyo na mag- RESIGN upang patunayan ang "pagmamahal" niya sa bayan at ang kanyang pagiging "Ina ng Bayan."

Paano maibabalik ang Dangal ng Pilipino kung ang lider mismo ng bayan ay wala nang dangal?
* * *
Mga patuloy na nananakot sa atin dahil sa paninindigan natin sa kasalukuyang isyu, paniwalaan n’yo kami na hindi na pananakot ang dapat gawin kung hindi pagbabago.

Sana ma-examine ninyo ang inyong mga konsensiya, yan ay kung meron pa o ’di kaya’y isipin n’yo ang masamang karmang mangyayari hindi lang sa inyo kung hindi inyong mga anak at mga apo.

Mahirap hong magsisi kayo sa huli kung hindi lang kayo kung hindi mga anak n’yo, apo n’yo at pamilya n’yo ang nagkakagulo ang buhay o ’di kaya’y nagkakaroon ng karamdamang hindi lang walang gamot kung hindi masakit pa at pinagdurusahan.

Lahat ng bagay ay may kabayaran. Huwag sanang pagbayaran ng inyong pamilya.

Katotohanan, pinapanalangin namin ang inyong pagbabago dahil naniniwala tayong ang kasalanan ng ama o ina ay hindi kasalanan ng anak o apo.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa [email protected] o ’di kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa MATA NG AGILA sa DZEC 1062 mula 6:15 hanggang 8:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

ASYA

BUONG

COMELEC COMMISSIONER VIRGILIO

ILOCOS SUR GOVERNOR LUIS

KUNG

LANG

PILIPINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with