^

PSN Opinyon

Editoryal - Palayain ang mga batang trabahador

-
DITO sa Pilipinas, karaniwan na lamang na makakita ng mga batang nagtatrabaho. Sa murang gulang ay naghahanap na ng ikabubuhay. Kung hindi magtatrabaho ay hindi kakain at mamamatay sa gutom. Karamihan sa mga batang ito ay puwersadong gumagawa dahil na rin sa utos ng kanilang mga magulang. Ang matindi, hindi lamang ang pagtatrabaho sa mga pabrika o kung saan-saan pa bumabagsak ang mga bata kundi pati na rin sa pagbebenta ng laman. Sa halip na pumapasok sa school ang mga bata, pagbabanat ng buto para kumita ng pera ang kanilang inaatupag. Maagang nasabak ang katawan para may maikarga sa nagrerebeldeng bituka.

Hindi lamang dito sa Pilipinas may mga batang trabahador, marami pang bansa lalo na ang mga kabilang sa Third World. Ayon sa report ng International Labor Organization (ILO) may kabuuang 200 milyong kabataan sa buong mundo ang batang trabahador. Dito sa Pilipinas, tinatayang nasa 29,000 ang mga batang trabahador na ang mga edad ay nasa 10 hanggang 14.

Ayon pa sa ILO, karamihan sa mga bata ay ipinagbili para puwersahing magtrabaho. Karamihan din naman sa kanila ay hindi sinusuwelduhan. Ang iba ay ibinenta para gawing parausan ng mga maniac na dayuhan at ginagamit na mga modelo para internet sex. Kamakailan, isang German national ang hinuli ng mga awtoridad habang naaktuhang kinukunan nang hubo’t hubad ang mga kabataang babae at lalaki para sa kanyang negosyong kasuklam-suklam — sex sa internet.

Noon pa’y marami nang batang trabahador ang nare-rescue sa mga pabrika ng Intsik. Karamihan ay sa mga pabrika ng kornik, patis, sitsirya at nakaaawa ang kalagayan sapagkat nasa isang makipot na kuwarto at doon nagbabalot ng mga produkto. Nanlalagkit sa pawis. Sinabi ng mga batang na-rescue na ni-recruit sila sa probinsiya at alam ng kanilang mga magulang kung saan sila dadalhin. Binigyan umano ng recruiter ng pera ang kanilang mga magulang.

Hindi ba’t ang muru-ami fishing ay naging kontrobersiyal sapagkat mga kabataang lalaki ang trabahador doon. Ipinagbawal ito pero gaano nakasisiguro na wala na ngayon. Gaano karaming bata ang trabahador sa mga pagawaan ng paputok?

Ang problema sa child labor ay dapat nang wakasan. Kung may mga pumupuna sa mga malalaswang advetisement gaya ng "kinse años", bakit hindi pagtuunan ng pansin ang puwersahang pang-aalipin sa mga bata. Kastiguhin din ang mga magulang sa pagtutulak sa kanilang mga anak na magtrabaho. Palayain sa pagka-alipin ang mga batang trabahador.

AYON

BATANG

BINIGYAN

INTERNATIONAL LABOR ORGANIZATION

KARAMIHAN

PILIPINAS

THIRD WORLD

TRABAHADOR

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with