^

PSN Opinyon

EDIORIAL - EDSA Uno: Bigo sa inaasam na pagbabago

-
LABING-WALONG taon na ang nakararaan mula nang dumagsa sa EDSA ang taumbayan. Nagkapit-bisig at matapang na hinarap ang tangke at mga loyalistang sundalo ni dating President Ferdinand Marcos. Limang araw na nagkaisa at nagkasama-sama ang mamamayan para mapatalsik ang nagmalabis sa tungkuling pinuno. Nakihalo sa karaniwang mamamayan ang mga burgis at elitista. Nasamyo ng mga elitista ang amoy-pawis na mahihirap. Ganoon din naman, nalanghap ng mahihirap ang kabanguhan ng mga nakahiga sa yamang nilalang sa Corinthian Garden at Forbes Park. Limang araw nagkaamuyan ng katayuan sa buhay.

Pagkalipas ng labing-walong taon, ang mayaman ay patuloy pa ring naging mayaman at ang mahirap ay patuloy pa rin sa paghihikahos. Ang inaasam na pagbabago sa pagkakapatalsik kay Marcos ay hindi pa rin nararamdaman nang lubusan. Bagsak pa rin ang ekonomiya, dapa ang peso, walang tigil sa pagtaas ang mga bilihin, marami pa rin ang walang sariling bahay at lupa at laganap ang katiwalian.

Patuloy pa rin namang umaasa ang mga naging biktima ng diktadurya na ang kabayaran sa kanilang dinanas ay makakamtan. Marami ang nagtataka na sa kabila na pumabor na ang Korte Suprema sa pagkakaloob ng kabayaran sa mga biktima ng human rights, hanggang ngayon ay wala pang nangyayari. Patuloy pa ring pinag-uusapan at walang katiyakan kung kailan mapapasakamay ng mga biktima.

Maraming nabigo sa EDSA Uno at karamihan ay ang karaniwang mamamayan. Umasa sila ng pagbabago subalit nauwi lamang sa bangungot ang lahat. Ilang Presidente na ang nanungkulan mula nang mag-EDSA Uno subalit ang inaasam na pagbabago ay hindi maibigay. Lumubha pa sapagkat marami ang nasadlak sa hirap at dusa.

Nagkaroon ng EDSA Dos at napatalsik muli ang isang pinuno na naakusahan ng pandarambong at pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan. Muling umasa na ang pagpapatalsik ay magbubunga na ng pagbabago sa papalit na pinuno. Pero ikalawang bangungot na naman sapagkat nasadlak pa sa hirap. Sumadsad sa pinaka-mababang halaga ang peso na ang apektado ay ang mahihirap. Talamak pa rin ang katiwalian, laganap ang krimen, droga, at nagputik ang lipunan dahil sa away ng mga pulitiko na lalo pang nagpahirap sa peso.

Labing-walong taon na ang nakararaan, pero wala pa ring makitang pagbabago. Ang tanging nabago, ngayo’y unti-unti nang nababawasan ang dumadalo sa anibersaryo. Patuloy na nilalangaw sa paglipas ng panahon ang EDSA rebolusyon.

BAGSAK

CORINTHIAN GARDEN

FORBES PARK

ILANG PRESIDENTE

KORTE SUPREMA

LIMANG

PATULOY

PRESIDENT FERDINAND MARCOS

UNO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with