^

PSN Opinyon

Editoryal - Parang bumabaril lamang ng manok

-
LABINGSIYAM na araw lamang ang pagitan at isa na namang broadcast journalist ang ibinuwal ng bala. Binaril na parang manok si Juan Pala, radio commentator sa Davao City noong Sabado ng gabi. Sa dibdib ang mga tama at sinigurong hindi na mabubuhay. Si Pala ang ika-anim na journalist na pinatay na parang manok ngayong taong ito. At sa mga pagpatay, wala pang nahuhuling kriminal para pagbayarin sa karumal-dumal na pagpaslang. Kung mayroon man, aabutin ng siyam-siyam para pagdusahan nila ang kasalanan.

Noong August 19 ng kasalukuyang taon, itinumba rin ang isang broadcast journalist sa Sta. Cruz, Laguna. Nakabulagta na ay binabaril pa si Noel Villarante at sinigurong hindi na mabubuhay pa para magsiwalat ng kabulukan sa kanilang lugar. Bukod sa pagiging broadcaster, isa ring columnist si Villarante na ang matalim na panulat ay nakasusugat. Ang pabuya sa kanyang pagiging media man: Bala sa ulo at katawan.

Ngayong taong ito may pinakamaraming pagpatay sa mga journalist at maaaring madagdagan pa ang anim na biktima kung hindi kikilos ang gobyerno para protektahan ang mga mamamahayag. Nakatatakot na ang nangyayari na hindi na ligtas ang mga mamamahayag at kapag may nasagasaan ay buburahin na sa kanilang landas. Karamihan sa mga target ng pagpatay ay ang mga journalist sa probinsiya.

Unang pinatay ngayong taong ito ang isang broadcaster sa Legaspi City na nakilalang si John Villanueva. Pinatay siya noong April 28. Pagkaraan ni Villanueva, sumunod na pinatay ay ang broadcaster na si Apolinario Pobeda sa Lucena City noong May 17. Noong July 8, pinatay naman ang journalist na si Bonifacio Gregorio na taga-Tarlac City. Noong August 20, binaril at napatay ang radio journalist na si Rico Ramirez sa Agusan del Sur. Sino pa ang susunod?

Kinondena ni President Arroyo ang pagpatay kay Juan Pala. Sinabi niyang nakikisimpatya siya sa media organizations dahil sa walang tigil na karahasang nagaganap. Ganoon man sinabi niyang masyado pang maaga kung ang pagpatay kay Pala ay may kinalaman sa pulitika.

Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay isang pag-atake sa press freedom at ganoon din sa sambayanan. Dapat nang ipag-utos ni Mrs. Arroyo ang malawakang imbestigasyon sa pagpatay sa mga journalist. Pakilusin ang pulisya. Madaling makisimpatya sa mga naulila at grupo ng media subalit mas mahalaga kung madadakip ang salarin at ang "utak". Nakaaalarma na ang sunud-sunod na pagpatay na parang pumapatay lamang ng manok.

APOLINARIO POBEDA

BONIFACIO GREGORIO

DAVAO CITY

JOHN VILLANUEVA

JOURNALIST

JUAN PALA

LEGASPI CITY

NOONG AUGUST

PAGPATAY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with