^

PSN Opinyon

Bulag, pipi at bingi si Secretary Lina

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
BULAG, pipi at bingi. ’Yan ang description na ibinibigay sa kasalukuyan ng masa o mga supporters ng nakakulong na dating Presidente Estrada kay Interior Secretary Joey Lina ukol sa kampanya niya laban sa jueteng.

Bulag si Lina, anang mga nakausap kong masa dahil hindi nito nakikita na ang jueteng at iba pang klaseng sugal ay patuloy na naglilipana saan mang panig ng bansa kahit abo’t langit na ang pananakot niya. At hanggang sa ngayon, ang pitong matataas na opisyal lang ng pulis ang kanyang naparusahan samantalang ang 44 gambling lords sa bansa ay naiwang nakangiti at hindi man lamang niya maaresto o mapahinto sa kanilang illegal na negosyo. Bakit tatlong buwan nang mahigit ay hindi pa mailabas ni Lina ang mga pangalan ng 44 gambling lords? Nabulag ba siya sa aspetong ito?

Pipi si Lina dahil matikas lang siyang mag-utos ng relief ng pitong matataas na opisyal ng pulis natin subalit kung patungkol naman sa kasalanan ng mga miyembro ng Task Force Jericho ay hindi siya makaimik. Kung mabilis si Lina sa kanyang pananakot sa pulisya at local government dapat ganoon din siya kabilis para utusan at pahintuin itong Task Force Jericho at ang grupo ng bigtime ‘‘tong’’ collectors para hindi madamay ang pangalan niya, di ba mga suki? Kung ang pitong sinibak na pulis ay walang ebidensiya si Lina na nakikinabang sila sa jueteng, bakit hindi niya masibak si Supt. Noel Estanislao at Major Gabriel na binabanggit ang mga pangalan sa koleksiyon sa jueteng, tanong pa ng masa.

Bingi si Lina dahil hindi niya maririnig ang malalakas na sumbong laban kina Estanislao at Gabriel. Kaya siguro hindi niya maaksiyunan ang grupo ni Estanislao at bigtime ‘‘tong’’ collectors dahil nakikinabang si Lina, anang mga masa na nakausap ko. Hindi pa kaya napuno ang bulsa niya? Tanong nila. Kung mabilis si Lina na umaksiyon sa sumbong ukol sa pitong matataas na opisyales ng pulisya, bakit sa grupo ni Estanislao at bigtime ‘‘tong’’ collectors ay mabagal pa siya sa pagong?

At kung patuloy na magbubulag-bulagan, magsasawalang-kibo at magbibingi-bingihan si Lina sa mga sumbong sa kanya ukol sa mga tauhan niyang sangkot sa koleksyon ng "tong" sa mga gambling lords, hindi nalalayo na mapupugutan siya ng ulo dahil walang patutunguhang maganda ang kampanya niya laban sa jueteng. Hindi ba nangako siya na ‘‘I’ll put my neck on the line’’ kung hindi niya masawata ang jueteng sa isang taon?

Dahil lampas na sa tatlong buwan ang lumipas at wala pa ring pagbabago ang takbo ng jueteng sa bansa, ibig sabihin niyan malaki na ang sugat sa leeg ni Lina. Ang payo ng masa, ‘wag siyang maglakad ng patabingi at baka mahulog na ang ulo niya. ’Wag din siyang lumingon nang pabigla-bigla. He-he-he! Ano ba ’yan? At mukhang nabaon na rin sa limot ang pagyayabang ni Lina na ‘‘more heads will roll’’ ukol sa kanyang kampanya. Para sa kaalaman ni Secretary Lina, ang pagbabago lang sa kalye ay patago na ang pagkolekta ng intelihensiya ng mga pulis pero ang Task Force Jericho ay garapalan at panay hirit pa.

ESTANISLAO

INTERIOR SECRETARY JOEY LINA

JUETENG

LINA

MAJOR GABRIEL

NIYA

NOEL ESTANISLAO

TASK FORCE JERICHO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with